Sa kabila ng pagiging baldado at lagi lang bantay sa kanilang tindahan, nagawa ng isang padre de pamilya sa Quezon na nakapagpundar ng mga lupain, mga gintong alahas, at impok na pera sa bangko, na kaniyang iniwan at ipinama sa kaniyang mga naiwang mahal sa buhay nang siya ay biglang pumanaw.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na dating lineman ang namayapang padre de pamilya na si Reynold Ricamora. Pero dahil sa isang aksidente, nabalda siya at hindi na muling nakalakad.

Naging mahirap ito para kay Reynold dahil mayroon silang dalawang anak ng kaniyang maybahay na si Alelie Apura, na sina Recca at Reylie.

Dahil sa nangyari kay Reynold, nagtrabaho si Alelie bilang empleyado ng isang pribadong kumpanya, upang itagyod ang kanilang pamilya.

Ang mga anak nila, natutong magtinda sa eskuwelahan para mayroon maging pambaon sa pag-aaral.

Kuwento ni Recca, minsan ay idinadaing ng ama ang mga bagay na hindi na nito magawa para sa kanila.
 
“Lagi niyang sinasabi sa akin na may nakikita daw po siyang isang tatay na kapag uuwi sa bahay nila na laging may dalang tinapay. ‘Gusto ko ganito din pero paano ko magagawa?’” kuwento ni Recca.

Taong 2012 nang magtayo sila ng tindahan at si Reynold ang naging tagasukli sa mga bumibili. May kasama naman siyang isang "boy" na tagabigay ng produkto.

Sa kabila ng kaniyang kondisyon, napalago ni Reynold ang tindahan at natustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Noong Abril 2023,  napansin ng kaniyang pamilya na may dugo ang kaniyang ihi. Pagkasuri sa ospital napag-alamang may cancer sa urinary bladder si Reynold.

Nitong nakaraang Disyembre, tuluyan nang namaalam si Reynold.

Dahil mabilis ang pagpanaw ni Reynold, wala siyang naihabilin. Kaya umaasa si Recca na baka magpakita ang ama sa panaginip. Hanggang sa makita niya sa isang lumang cabinet ang isang planner na may nakasulat na tila last will and testament ng kaniyang ama na nakasaad ang mga naipundar niyang ari-arian.

Kabilang dito ang ilang house and lot, at farm, pati na ang bank account, at mga gintong alahas.

Noong nabubuhay pa, kahit nasa tindahan lang, pinasok din Reynold ang pagba-buy and sell ng ginto.

“Natuto din po siyang mamili ng gold. Noon pong medyo mababa pa ‘yung presyo ng ginto, nag-ipon po siya nang nag-ipon. Ipinapagawa po niya ng alahas, parang i-convert niya ‘yung pera sa ginto para tumataas daw po ang value,” ayon kay Recca.

Sa tantiya ni Recca, posibleng aabot ng P5 milyon ang kabuuang halaga ang naiwang pamana ng kanila ng kanilang ama.

Ngunit higit sa mga ari-arian at ginto, ang isa pang iniwang habilin ni Reynold sa kaniyang notebook na nabasa ni Recca, ay ang habilin nito na huwag pababayaan ang kanilang ina.

“Hayaan daw namin na makapag-relax ‘yung aming ina. Dahil daw sa haba ng panahon ng pag-aalaga ni mama sa kaniya. Maging mabuti kami sa aming mga asawa dahil ‘yan lang ang makakasama namin habambuhay,” sabi ni Recca na habilin ng amang si Reynold.

Labis-labis naman ang pasasalamat ni Recca sa kaniyang ama na patuloy na nagsikap sa kabila ng kalagayan para sa kanila.

“Papa, kung baka sakali narininig mo ako sa heaven, tinaguyod mo kaming magkapatid. Salamat sa lahat-lahat ng sakripisyo ninyo. Napakahirap na wala ka na, na hanggang ngayon talaga, sobrang sakit. Ni hindi namin alam kung paano kami magsisimula nang wala ka,” sabi ni Recca.

“Salamat sa lahat-lahat. Hinding-hindi ka namin makakalimutan. Mananatili ka sa puso at isip namin. Hindi mawawala,” mensahe pa ni Recca sa ama.

Tunghayan sa video ng "KMJS" ang paliwanag ng isang abogado tungkol sa mga alituntunin pagdating sa last will ng isang yumao. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News