Inihayag ni Beauty Gonzalez sa "Fast Talk with Boy Abunda" na inaayos niya ang kaniyang relasyon sa kaniyang ina na nasa Dumaguete.

Sa episode ng programa ng King of Talk nitong Miyerkules, binanggit ni Beauty na Dumaguete ang lugar na hindi niya nais balikan.

Kaya naman binigyan ni Tito Boy ng pagkakataon si Beauty na ipaliwanag kung bakit.

“I just want to ask you this dahil para maintindihan ng mga nanay, tatay, at Kapuso. Bakit minsan ayaw mong bumalik sa Dumaguete?” sabi  ng TV host sa Kapuso actress.

“Honestly, I'm trying to make a good relationship with my mom. So, that's what I'm working out,” sagot ni Beauty.

Ayon kay Beauty, gusto naman niyang umuwi sa Dumaguete pero,  “You know, things are not always happy.”

Kaya naman gumagawa raw siya ng paraan para magkaayos sila ng kaniyang nanay, na hangad rin ni Tito Boy para sa kaniya.

“Lagi ko siyang mina-manifest. 'Yun ang tinuro sa akin ng monk na, when you wake up in the morning, you tell yourself na, 'Mom, I love you, Mom, I miss you,” sabi pa ni Beauty na hindi na napigilang maging emosyonal.

Nang hingan ni Tito Boy ng mensahe si Beauty para sa kaniyang ina, sabi ng aktres, “Hi, Mama Carina! I miss you.”

Napapanood si Beauty sa GMA Afternoon Prime series na "Stolen Life," ay kasama rin siya sa pelikulang "Kampon," na kalahok sa Metro Manila Film Festival na ipapalabas sa mga sinehan sa Pasko. --FRJ, GMA Integrated News