Labis ang galit at pag-aalala ng isang mag-asawa nang tangayin ng isang babae ang kanilang tatlong-buwang-gulang na sanggol sa isang ospital sa Davao City. Ang suspek, sinasabing nawalan din umano ng sanggol.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ng mag-asawang Anna at John, hindi nila tunay na mga pangalan, mula sa Surigao City, na nagtungo sila sa Davao City noong nakaraang linggo para ipasuri sa ospital ang kanilang anak na si Baby Jay.

Habang nasa ospital, nakilala ni Anna ang inakala niyang mabait na babae na si Martha, hindi rin niya tunay na pangalan.

Kuwento ni Anna, nagpakilala sa kaniya si Martha na mayroon ding anak na dalawang-buwang-gulang na nasa ospital dahil nilalagnat.

Dito na naikuwento ni Anna ang kanilang problema sa pera dahil aabot umano sa P12,000 ang isasagawang mga medical test kay Baby Jay, gayung P3,000 lang ang kanilang dala.

Pero pinapanatag umano ni Martha ang kalooban ni Anna dahil nangako ito na tutulungan sila sa gastusin.

Habang naghahanda si John sa mga ipapagawang test para kay Baby Jay, humingi umano ng breast milk si Martha kay Anna, matapos na makita ang pump nito sa pagkuha ng gatas sa kaniyang dibdib.

Pumayag naman si Anna at tumalikod para mag-pump ngunit nang lingunin niya si Baby Jay, wala na ito, pati si Martha.

Sa kuha ng CCTV camera ng ospital, nakita si Martha na may bitbit na sanggol at magmamadaling makalayo.

Labis ang panlulumo nina Anna at John sa pagkawala ng kanilang anak, na kanilang inireport sa Bajada Police Station.

Nang i-post ng mga pulis sa kanilang Facebook page ang larawan ng suspek, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng babae at ng sanggol.

At nang puntahan ng mga pulis ang itinurong lugar, nakita ang suspek, maging ang sanggol na naibalik na sa kaniyang mga magulang.

Napag-alaman naman na dalawang buwan na ang nakalilipas nang magtungo din umano sa ospital si Martha na buntis nang panahong iyon.

Ayon sa kaniyang live in partner, hindi umano pumayag si Martha na samahan pa siya sa ospital.

Dito na ikinuwento ni Martha na matapos siyang makapanganak, may isang matandang babae umano ang nagmagandang loob na patulugin silang mag-ina. Ngunit nang magising siya, wala na ang matanda at ang kaniyang dalawang buwang gulang na sanggol.

Kinuha umano niya si Baby Jay para may sanggol na maiuuwi at maipapakita sa kaniyang mister.

Kaya naman nang makaharap niya ang mag-asawang Anna at John, labis ang kaniyang pagsisisi at paghingi ng tawad.

Nahaharap sa kasong kidnapping si Martha na patuloy na nakadetine dahil walang piyansang nakalaan sa kinakaharap niya kaso.

Mapatawad naman kaya siya nina Anna at John para iurong kaso, at totoo kaya ang kaniyang kuwento na may dumukot sa kaniyang anak? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS. --FRJ, GMA Integrated News