Laking gulat ng isang food delivery rider sa Pasay nang sabihin sa kaniya ng kaniyang kostumer na may ahas na nakita sa kaniyang motorsiklo.

Ikinuwento ng rider na si Phoebe Makato sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," na napilitan pa siyang itakbo ang kaniyang motorsiklo na may ahas papunta sa lugar na may iba pang rider.

Pero hindi rin kaagad naalis ang ahas na sumiksik nang husto sa unahang bahagi ng motorsiklo kahit pa sungkitin.

Inabot pa umano ng dalawang oras bago tuluyang nahatak at naalis ang ahas sa tulong ng rider din na si Marvic Delfin, na may kaalaman sa paghawak sa naturang hayop.

Ang ahas na may habang tatlong talampakan at ga-braso na ang taba, inilagay nila sa sako at ibinigay sa Manila Zoo.

Napag-alaman na ang naturang ahas ay isang Philippine Reticulated Python.

Bukod kay Makato, may ahas din na naki-joyride sa motorsiklo ng machine operator na si Mark Cabanero ng Bulacan.

Kuwento nito, ipinarada niya ang kaniyang motor sa madamong lugar nang maglaro ng basketball.

At nang bumibiyahe na siya, nagpakita na ang sawa at umaabot pa sa kaniyang kamay.

Itinigil daw niya ang motorsiklo sa isang lugar na hindi matao kung saan din niya pinakawalan ang ahas.

Pero payo ng isang public safety specialist, mas makabubuting huwag nang paandarin ang motorsiklo na may ahas sa sasakyan dahil maaaring itong manuklaw.

Mas makabubuti umanong iparada ang sasakyan sa ligtas na lugar, at saka tumawag ng taong may kaalaman sa paghuli nito.

Dapat din umanong suriin muna ang motorsiklo bago sakyan upang matiyak na walang ahas na puwedeng makiangkas.--FRJ, GMA Integrated News