Inilahad ni Amy Perez na natakot man siya noong una kung papaano niya ipaliliwanag sa mga anak na magkaiba ang kanilang mga ama. Pero ngayon, natatawa na lang ang TV host-actress na ibahagi kung papaano inakala ng mga bata na "pinatay" niya ang dati niyang asawa.

"Actually hindi ko na siya kinatatakutan kasi natatawa na ako. Kasi ‘yung bunso kong anak, siyempre may Google na ngayon. Slowly alam na nila na Adi is their stepbrother, and si Kyle at Isaiah has the same father,” kuwento ni Amy sa ‘Fast Talk with Boy Abunda” episode nitong Lunes.

Anak ni Amy si Adi sa una niyang asawa na dating singer na si Brix Ferraris. Anak naman niya sa ikalawang asawa na si Carlo Castillo sina Sean Kyle at Isaiah Joaquin.

“So dati ‘yun ‘yung fear ko, paano ko ie-explain na magkaiba ng tatay sila? Doon ako unang, ‘yun ‘yung unang struggle ko. Pero ngayon, natatawa na lang ako kasi may mga conclusion ‘yung mga bata,” saad ng actress-TV host.

May kaniya-kaniyang hinala raw ang kaniyang mga anak tungkol sa kanilang mga tatay.

“Sabi ni Isaiah, ‘Mama killed her boyfriend.’ Sabing gano’n?! So doon talaga ako natawa. Sabi ko, ‘Who? boyfriend?’”

Hanggang sa matuto ang kaniyang mga anak na gumamit na rin ng internet at mag-search tungkol sa kaniyang buhay.

“Kasi kunwari tatanungin nila, ‘Hey Google, who is Amy Perez?’ Doon nila na-discover eh. In fact ‘yung pagiging artista ko rin, hindi rin alam masyado ng mga bata,” kuwento ni Amy.

“‘I saw his name. His last name is Ferraris, and I think he’s the dad of Kuya Adi. I think you killed him, mom.’ Sabi ko ‘No! How can you say that?’” natatawa pa niyang kuwento.

“Natatawa na lang ako ngayon kasi kino-compute na nila. Sobrang talino na ng mga bata ngayon.”

Maging si Kyle daw ay napapatanong.

“Even Kyle was saying, ‘How can you have Kuya Adi when you met dad [in] 2006?’ So in-explain ko rin ‘yon. So I had to be honest,” sabi ni Amy.

“Noong una ‘yun ‘yung fear ko. Pero ngayon, I think lahat ‘yon magbe-break kung magiging honest ka lang,” lahad niya.

“May kaniya-kaniya silang speculation na nakakatawa. [Ginawa pa akong] murderer. Sabi ko ‘Hindi siya patay anak, buhay siya. Hindi nga lang mahanap natin, pero buhay siya.’”

Lowest point ng buhay

Sa panayam din sa “Fast Talk with Boy Abunda,” inilahad ni Amy na ang pagsasama nila ng dating asawa ang pinakamatinding pagsubok na dumaan sa buhay niya.

“Yung marriage ko from my first husband ang pinaka-lowest point, pinakamahirap na natanggap ko sa buong buhay ko. Dumating ako sa time na isinurender ko na lahat kay Lord. I said, 'Ayoko na. Wala na.’”

Sa kabila ng kaniyang pinagdaanan, biniyayaan si Amy ng pangalawang asawa na si Carlo.

"And that was the time na nakilala ko siya (Carlo).”

"And I realized na kapag nagpe-pray ka pala, lahat ng mga ipinagdarasal mo, kahit na paulit-ulit mo siyang ipinagdarasal, hindi ka napapagod and you tell God, 'Hindi ko na ito kaya bilang tao,’ you pray and ibibigay Niya,’” sabi ni Amy.--FRJ, GMA Integrated News