Pumirma na ng kontrata sa GTV ng GMA ang “It’s Showtime” nitong Miyerkules na ginanap sa SEDA Vertis North, Quezon City.
Dumalo sa pagtitipon para sa GMA Network ang chairman and CEO na si Atty. Felipe L. Gozon, Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group, and President and CEO of GMA Films Atty. Annette Gozon-Valdes, President and COO Jimmy Duavit Jr., at Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong.
Sa panig ng ABS-CBN, nandoon sina President and CEO Carlo L. Katigbak, Chairman Mark L. Lopez, COO for Broadcast Cory Vidanes, at Officer-in-Charge of Finance Group Paul Piedad.
Present din sa contract signing ang mga host ng "It's Showtime" na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Jhong Hilario, Kim Chiu, Amy Perez, Ogie Alcasid, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Ion Perez, MC, Lassy, Jackie Gonzaga, Cianne Dominguez, at ang direktor na si Jon Moll.
Mapapanood ang "It's Showtime" sa GTV simula sa July 1, mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 11:30.
Napapanood ang GTV o Good Television sa Channel 27 sa Philippines free-to-air television network ng GMA Network. Ilan sa mga programang napapanood dito ang "Balitanghali," "Dapat Alam Mo!" at "Farm to Table," at ang NCAA games.
'TV war,' is finally over
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Atty. Gozon na tapos na ang sinasabing "TV war" kasunod ng naganap na pirmahan.
“Siguro puwede na natin sabihin ngayon, without any fear of contradiction, na yung competition, ‘yung tinatawag ng mga media practitioners na' TV war,' is finally over," pahayag niya.
“At ang talagang makikinabang nito is, of course, ang mga manonood,” dagdag ni Atty. Gozon.
Inihayag din ng opisyal na masaya ang GMA Network na bigyan ng bagong tahanan ang "It's Showtime."
“Gusto kong sabihin sa pagkakataon na 'to na malugod naming tinatanggap ang popular program na ‘It’s Showtime’,” ayon kay Atty. Gozon.
Sa pirmahan ng kontrata, napansin ng mga host na sina Iya Villania at Robi Domingo ang pagiging emosyonal nina Anne Curtis at Kim Chiu.
"Tears of joy!," sabi ni Robi. — FRJ, GMA Integrated News