Patay at putol na ang katawan ng isang malaking ahas na nahuli sa Davao Occidental nang hawakan ng isang lalaki ang ulo nito at inilagay ang kaniyang kamay sa pangil. Pagkaraan lang ng ilang minuto, ang masiglang lalaki, biglang nanghina, nahilo, nagsuka, at namatay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nangyari ang trahediya noong Marso 20 sa liblib na barangay ng San Pedro sa bayan ng Sta. Maria.
Ang nasawing lalaki, nakilalang si Renante Maligon.
Kuwento ng mga residente, nakita ang naturang ahas na tinatayang 10 talampakan ang haba malapit sa isang paaralan.
Sa pangamba na baka makatuklaw ito, pinatay ng mga residente ang ahas at pinagtataga.
Nang hindi na gumagalaw ang ahas na putol na ang katawan, hinawakan ni Maligon ang ulo nito at idinikit ang kaniyang palad sa pangil para patunayang patay na hayop.
Pero pagkaraan lang ng ilang minuto, sumama na ang pakiramdam ni Maligon at tuluyang binawian ng buhay.
Hinihinala na namatay si Maligon mula sa kamandag ng ahas--na nang suriin ng mga awtoridad ay natuklasan na isang Philippine king cobra o Banakon, isa sa pinakamakamandag na ahas sa mundo.
Ayon sa isang duktor, kahit patay na ang ahas ay kaya pa rin nitong maglabas ng kaniyang kamandag sa pangil.
Kaya dapat pa ring mag-ingat kahit patay na isang ahas, lalo na kung makamandag.
Pero ano nga ba ang dapat gawin sakaling matuklaw ng ahas? Panoorin ang buong istorya sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News