Tuwing Pasko, isa sa mga inaabangan ng mga manggagawa ang 13th month pay. Papaano o saan nga ba nagsimula ang konsepto ng taunang bonus na ito? Alamin.
Sa video ng “Need To Know”, sinasabing unang ipinatupad ang 13th month pay sa Europa bilang monetary benefit ng mga kompanya sa kanilang mga empleyado.
Sa Pilipinas, taong 1975 nang ipatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Presidential Decree No. 851, na nagsasaad na mandatory ang pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado sa bansa.
Bukod sa 13th month pay, may ibinibigay na "Christmas bonus" ang ibang employer sa kanilang mga empleyado na paraan ng kanilang pagpapasalamat sa kanilang mga manggagawa.
Layon ng mga ito na kahit papaano ay makatulong sa mga manggagawa dahil na rin sa mga tumataas na bilihin.
Pero sa taas ng mga bilihin ngayon, ano-ano na nga ba ang maaaring puntahan ng dagdag na isang buwang sahod sa paraan ng bonus?
Ayon sa pag-aaral ng marketing and analytics firm, napag-alaman na kalahati ng suweldo ng mga Pilipino ay napupunta sa mga gastusin sa bahay, transportasyon, at pagkain.
Mula sa 57% noong 2020 na gastos ng isang pamilyang Pilipino, bumaba ito sa 46% ngayong taon.
Pero inaasahan daw ang spending recoveries sa mga susunod pang buwan.
“So as we go out, go to more places, get exposed to the things we need to buy, then, of course, there are many other things that would figure to the shopper’s basket. So yes, we are recovering. We have been recovering since quarter 2,” saad ni Shipper Insights Director Worldpanel Division Kantar Philippines Laurice Padlan-Obana.
Gayunman, ano nga ba ang puwedeng gawin sa 13th month pay at bonuses?
Ayon kay Wealth coach na si Chinkee Tan, ang 13th month pay at Christmas bonus ay parang kaarawan din na isang beses sa isang taon lang dumarating.
“Once a year lang tayo nagse-celebrate siguro may mga naibibigay sa iyong regalo tuwing ikaw ay nagbi-birthday. Kaya napaka-gandang oportunidad kung mayroon din tayong matatanggap na cash bonus or 13th month pay, gamitin natin nang tama,” sambit ni Tan.
Pero mas okay raw kung may maitatabi ang mga ito para maging puhunan sa isang negosyo.
“Simulan mo na ang pangarap mong business, paikutin mo ang perang ito at palaguin mo. At maraming mga negosyo na puwede mong simulan kahit maliit lang," ayon kay Tan.
"Sa halagang P500, P1,000, P2,000 puwede ka nang mag-umpisa like for example puwede kang magbenta ng pagkain, puwede kang magbenta online, puwede kang magluto, o magbenta ng ukay-ukay,” paliwanag pa niya.
Maaari din daw ilaan ang mga nakuhang pera para sa emergency fund.
“Ito ang tamang panahon para magkaroon tayo ng tinatawag na sobra. Ang ibig sabihin ng emergency fund, just in case, mawalan ka ng work o humina ang iyong negosyo, mayroong kang pondo na puwede mong gamitin para sa buwanan mong gastos,” giit ni Tan.
“Ang pinaka-ideal niyan, mag-uumpisa ka na sa isang buwan. Tapos you move up to three months and then six months. Bakit po? Just in case again, kapag nawalan ka ng work, hindi ka ma-istress, may pambayad ka on a monthly basis,” diin pa niya.
Samantala, puwede rin daw hatiin sa apat na parte ang suweldo: savings, investment, retirement, at reward.
“Lagyan mo ng P5,000 [ang bawat parte] para hindi ka naman, ika nga, ipagkait sa iyong sarili,” sabi ni Tan.
Alamin ang iba pang payo ni Tan tungkol sa paggamit ng mga bonus tulad ng mga nag-iisip na bumili ng mga gamit. Panoorin sa video.
--FRJ, GMA Integrated News