Idinaan ng isang pamilya sa Leon, Iloilo ang kanilang pagluluksa sa pagsayaw ng cha-cha habang papunta sa sementeryo. Hiling daw ng namayapang kaanak na huwag malungkot sa kanyang libing.
Sa ulat ni Zen Quilantang ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, makikita sa isang video na tila street dancing competition ang nagaganap.
Ngunit kapag nakita ang karo ng patay sa harap ng mga nagsasayaw, makikitang nakikipaglibing pala ang mga ito.
Ang video ay kuha sa libing ni Adelina Cabarles ng Barangay Tina-an Sur.
Sa halip na malungkot, makikita sa mga mukha ng mga kaanak ni Cabarles ang saya na para bang may parada lang sa fiesta.
Nag-cha-cha pa umano ang mga kaanak ng namatay paglabas sa simbahan papunta sa sementeryo.
Ayon sa anak ni Cabarles na si Arlie, hiniling raw ng kanyang ina na huwag malungkot sa oras na ito ay mamatay.
Kabilang sa mga nakipaglibing at nanguna sa pagsasayaw ng cha-cha ay mga opisyal ng barangay dahil dating punong-barangay sa kanilang lugar si Cabarles.
Nais rin daw ipakita ng pamilya na sa kabila ng hirap at lungkot na mawalan ng mahal sa buhay ay dapat maging positibo pa rin sa buhay, ayon pa sa ulat. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News