Naiuwi na sa kaniyang bayan sa Rosario, Batangas ang mga labi ng singer na si Jovit Baldivino matapos pumanaw daw sa aneurysm o pagputok ng ugat sa ulo.
ALAMIN: Ano ang aneurysm at papaano ito maiiwasan?
Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," sinabing inilarawan ni Nanay Cristeta ang kaniyang pumanaw na anak na mabait, masayahin at mapagbigay.
Si Jovit umano ang nagtataguyod sa pamilya at hindi nagrereklamo kahit pagod na.
"Siya ang aming breadwinner," ani nanay Cristeta. "Walang karekla-reklamo kahit siya'y napapagod na pinupuntahan pa rin niya para mapagbigyan lamang."
Pumanaw nitong madaling araw ng Biyernes si Jovit, 29-anyos, matapos maratay sa isang ospital sa Batangas matapos sumama ang pakiramdam.
Pero paliwanag ng kinakasama ni Jovit na si Camille Ann Miguel, hindi nawalan ng malay ang mag-aawit habang nagtatanghal nang dumalo sa isang Christmas party sa Batangas City.
"Hindi siya nag-collapse habang kumakanta. Nagpapahinga siya, so magpapaalam na siya nung nangyari 'yon," saad ni Camille.
"Ni-request siya ng kanta, hanggang sa nakakanta siya ng tatlo, lahat ng nakanta niya matataas," patuloy ni Camille. "Siguro habang kumakanta siya, pumutok na siguro yung ugat sa ulo niya na hindi niya pa namamalayan."
Sa emergency room, sinabi ni Camille na nakitaan si Jovit na nagkaroon ng mild stroke. At nang isailalim sa CT scan, doon na nadiskubre ang pagputok ng ugat niya sa ulo.
"Inoperahan, successful ang operation. Dun na siya sa pagpapagaling. After nung operation niya nag-response pa siya. Pero second, third hanggang kagabi wala na siyang response," saad niya.
Pero bago ang naturang insidente, napag-alaman kay Camille na nakaranas ng pamamanas si Jovit, at dalawang araw na nanatili sa ospital ang mang-aawit.
Kaagad naman daw na bumuti ang pakiramdam ni Jovit at pinayagan na rin na makauwi. Hanggang nitong nakaraang linggo, naimbitahan siya na dumalo sa isang Christmas party sa Batangas City.
Ayon kay Camille, maraming pinaplano si Jovit, kabilang na ang pagpapakasal nila sa susunod na taon.
"Sobrang dami ng plano ng taong 'yan. Siguro hindi na lang talaga niya kinaya ng katawan niya kaya gumip-up na siya," pahayag niya.
Hiling naman ni Nanay Cristeta sa publiko, "Sana kahit wala na siya, sana hindi nila makalimutan yung alaala niya nung siya ay nabubuhay pa." --FRJ, GMA Integrated News