Plano sana ng isang lalaki na pakasal na ang kaniyang nobya kaya kumuha siya ng CENOMAR o Certificate of No Marriage. Pero laking gulat niya nang malaman niyang ikinasal na siya sa babaeng hindi niya kilala. Papaano na ang mangyayari sa plano niyang kasal?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," ikinuwento ni Gabriel Tabon na taong 2018 nang magpasya sila ng kaniyang nobya na lumagay na sa tahimik kaya kumuha siya ng CENOMAR.
Pero hindi natuloy ang planong kasal dahil hindi siya nakakuha ng lisensiya nang lumitaw sa CENOMAR na ikinasal na siya sa Iloilo noong 2017 pa.
Nalaman ni Tabon na ang dati niyang katrabaho ang nasa likod ng paggamit ng kaniyang pangalan sa pagpapakasal. Ang dating katrabaho rin daw ang dahilan kaya siya nagkaroon ng "hit" sa National Bureau of Investigation sa kasong estafa.
Kuwento ni Tabon, 2014 nang mag-apply siya ng trabaho sa isang agency at nagsumite siya ng mga dokumentong kailangan niya sa aplikasyon gaya ng birth certificate at iba pa. Ang naturang nagnakaw umano ng kaniyang identity ang tumanggap ng mga dokumento.
Nang masangkot umano sa kasong may kaugnay sa pera ang naturang lalaki, umalis na ito sa trabaho at bumalik sa Maynila.
Sinabi rin ni Tabon na kinompronta na niya noon ang dating katrabaho nang malaman niyang gumawa ito ng social media account gamit ang kaniyang pangalan.
Ayon kay Atty. Kris Gargantiel, maaari pa rin namang makapagpakasal ni Tabon pero kailangan muna niyang ipabura o ipakansela ang detalye na nakapasok na rekord ng civil registry.
Mas mabilis umano itong proseso kaysa ipawalang-bisa o ipa-nullify ang naturang kasal na nakapangalan sa kaniya.
Sinabi ni Atty. Gargantiel, na mayroon nang katulad na kaso na dinesisyunan noon ng Korte Suprema at pinayagan na ipabura na lamang ang naturang record ng kasal.
Gayunman, gaya ng hakbang na ipa-nullify ang kasal, sinabi ni Atty. Gargantiel na kailangan pa rin ni Tabon na lumapit sa korte sa gagawing pagpapakansela o pagbura sa rekord ng kasal na nakapangalan sa kaniya.
Pero papaano naman kaya lilinisin ni Tabon ang kaniyang pangalan na ginamit din sa estafa? Panoorin ang buong talakayan, alamin ang ilang tips para hindi maging biktima ng identity thief. --FRJ, GMA News