Dumagsa ang fans at mga nagmamahal sa tinaguriang "Queen of Philippine Movies" na si Gloria Romero upang magbigay-pugay sa huling araw ng public viewing sa kaniyang mga labi.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kabilang sa mga dumating ang dating pangulo na si Joseph Estrada, na nakatrabaho noon ni Gloria.

Dumalo rin sa burol si Iza Calzado, na gumanap bilang ang nakababatang bersyon ng karakter ni Gloria sa pelikulang "Moments of Love."

"Nawalan tayo ng isang icon. Napakaganda niya hindi lamang dahil sa hitsura niya kundi sa kaniyang pagdala sa sarili, pakikipagkapwa-tao. She's really a beautiful human being," sabi ni Iza.

Dumating din nitong Lunes ang iba pang mga personalidad mula sa showbiz hanggang sa politika, kasama ang matalik niyang kaibigan na si Daisy Romualdez, at sina Vilma Santos at Sharon Cuneta.

Kasama pa sa mga dumalo sina Barbie Forteza, na nakasama ni Tita Gloria sa mga Kapuso series na "The Half Sisters" at "Meant to Be."

Nagpaabot din si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ng kaniyang pakikiramay, na nakasama ni Gloria sa Marcos Sr. biopic na "Iginuhit ng Tadhana" noong 1965.

Sinabi ni Film Development Council of the Philippines chairperson Jose Javier Reyes na maituturing "Queen of Philippine Movies" si Gloria.

"Kung paano niya ituring ako bilang writer at bilang director, ganoon din niya tratuhin ang mga utility, even down to the smallest person on the set. So that for me is a rare quality," sabi ni Reyes.

Matiyaga ring pumila ang fans sa public viewing ng labi ng aktres mula 9 a.m. hanggang 1 p.m.

Magsasagawa ng necrological services nitong Martes, na huling gabi ng burol kung saan magbibigay din ng eulogy ang pamilya at mga kaibigan ni Gloria.

Sa Miyerkoles nakatakdang i-cremate ang mga labi ng veteran actress. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News