Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Guyong sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Naisugod pa sa ospital ang 41-anyos na si Nelson Faraon pero binawian din ng buhay bunsod ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakasakay sa motorsiklo ang biktima papunta sa kanyang tindahan ng gulay nang ilang beses siyang pagbabarilin.
Bukod sa pagtitinda ng gulay ay nagpapautang din daw ang biktima.
“Ang tinitingnan natin na isa sa mga anggulo ay ito marahil sa kanyang pagpapautang dahil may nangyari na sa kanya last year na siya rin ay pinagbabaril na sa ganong kadahilanan din,” ani Police Captain Edgar Icban ang duty officer ng Sta. Maria Municipal Police Station.
Nakuha ng SOCO ang limang basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
“Continuous po ang ating back tracking ng mga CCTV, kumakalap din po tayo ng mga possible witness doon sa nakakita sa pangyayari na ito,” dagdag ni Police Captain Icban.
Nakaburol na ang labi ng biktima sa bayan ng Angat.
Hindi pa rin matanggap ng mga kaanak ang sinapit ni Faraon.
Nananawagan sila ng hustisya.
“Mahirap siya kasi nga hindi namin alam kung sino talaga ang suspek kung sino gumawa sa kanyang ganyan. Wala naman siyang inaagrabyadong tao saka nagtatrabaho silang marangal saka yun nga matulungin yang kapatid ko na yan,” sabi ng kapatid ng biktima.—LDF, GMA Integrated News