May madamdaming mensahe si Alex Gonzaga para sa kaniyang mister na si Mikee Morada matapos na hindi muling magtuloy ang kaniyang pagbubuntis sa ikatlong pagkakataon.

Sa kaniyang YouTube vlog, ibinahagi ni Alex ang ilang tagpo sa pagdiriwang ng kanyang ika-37 kaarawan. Ipinagdiwang ito ng aktres sa isang hapunan kasama ang pamilya, at bumisita rin sa ilang ospital at klinika sa Lipa, Batangas (na konsehal si Mikee), para magbigay ng mga gamit para sa mga ina na kapapanganak lang.

Sa huling bahagi ng video, inihayag ni Alex na noong Enero 9, isang linggo bago ang kanyang kaarawan, nasa ospital din sila ni Mikee.

Nakita ang aktres na nasa kama sa ospital at binibisita ng kaniyang mga mahal sa buhay.

Lumitaw din sa screen sa dulo ng video ang isang sulat na gawa ni Alex.

“Dearest Mikee, I’m so sorry again for our loss,” nakasaad dito.  

“The little miracle we had will always stay with us,” dagdag niya. “Let’s keep believing. By God’s grace, we will have the family we have always prayed for.”

Una rito, ibinahagi ni Alex sa Instagram Reel, ang video na makikitang nagsasayaw para sa kaniya si Mikee sa ospital.

“My favorite moment is when my husband made sure I was happy before my medical procedure,” ayon kay Alex.

Bago nito, inihayag ni Mikee na nagkaroon ng ikatlong miscarriage si Alex noong Disyembre 28.

Hindi umano nila inasahan ang naturang ikatlong pagbubuntis sana ni Alex.

“To be honest, kami ni Catherine (Alex), noong nalaman namin na pregnant siya, hindi namin talaga akalain, wala kaming plano,” saad ni Mikee sa vlog ni Toni Gonzaga.

“Ang plano namin, baka posibleng mag-prepare muna ng katawan, IVF, pero naturally pa rin, gusto naming subukan,” dagdag niya.

Unang hindi nagtuloy ang pagbubuntis ni Alex noong 2021, at naulit noong 2023.

Nobyembre 2021 nang ikasal sina Alex at Mikee. —FRJ, GMA Integrated News