Ibinasura ng piskalya ng Quezon City ang mga reklamong direct assault, disobedience, at grave coercion na isinampa noong Nobyembre 2024 ng pulisya laban kay Vice President Sara Duterte at iba pa.

Sa 13-pahinang resolusyon ng QC Office of the City Prosecutor (OCP), ibinasura ang mga reklamo laban kina Duterte, Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) head Colonel Raymund Dante Lachica, at iba pa, dahil sa kakulangan ng ebidensiya para isampa sa korte ang reklamo.

“The alleged commission of Direct Assault, Disobedience to Authority and Grave Coercion is not supported by evidence,” saad sa resolusyon.

Nag-ugat ang reklamo sa nangyaring kaguluhan sa detention center ng Kamara de Representantes at sa Veterans Memorial Medical Center, habang nakadetine si Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Duterte, noong Nobyembre 2024.

Sa isang video, nakita si Lachica na hinawi si Dr. Van Jason Villamor ng PNP Health Service.

Ngunit ayon sa OCP, walang pag-atake at paggamit ng matinding puwersa ang mga inaakusahan.

“The acts of placing a hand over the chest, pushing, and shoving do not constitute an attack of physical force. To be considered as direct assault, the laying of hands or the use of physical force must be serious,” saad sa desisyon..

“The force exerted must be more severe than just slapping and punching. This is not the case here,” dagdag nito.

Nakasaad din sa resolusyon na ang pagpapaatras nina Duterte at Lachica sa mga pulis ay hindi maituturing serious intimidation o pagpalag.

Hindi rin umano ginamit ni Duterte ang posisyon nito para takutin si Villamor.

Bukod dito, sinabi ng OCP na hindi rin napatunayan ni Villamor na ginagampanan niya ang kaniyang opisyal na tungkulin nang mangyari ang insidente.

Nakasaad sa resolusyon na ang pagdadala ng isang detainee mula sa Kamara patungo sa ospital ay labas na sa opisyal na tungkulin ni Villamor.

“As correctly pointed out by VP Duterte-Carpio and Col. Lachica, there is no scintilla of proof of his authority to implement any order from the HOR. He is not connected with the HOR and he failed to present proof that he was deputized to implement any HOR Order,” anang OCP.

Sinabi rin ng OCP na ang pagtaas ng boses ni Duterte kay Villamor ay naaayon dahil “he was unrelenting despite his previous display of aggression by attempting to slam the ambulance door on her.”

Itinuring naman na ang reaksyon ni Duterte ay “spontaneous and legitimate outburst triggered by his provocation.”

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang reaksyon ng PNP sa desisyon ng piskalya. — mula sa ulat ni Joahana Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News