Pumanaw na dahil sa komplikasyon ang lalaking content creator na nag-viral noong nakaraang Nobyembre matapos mabalian ng buto sa baywang nang sumalang sa session sa isang lalaki na nagpakilala umano na chiropractor.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV sa "24 Oras" nitong Martes, sinabing nag-viral si Leobart Yurong noong nakaraang taon matapos niyang idokumento ang kaniyang session sa isang lalaki na nagpakilalang chiropractor sa Misamis Oriental.
Sa video ni Yurong, madidinig ang pagsigaw niya dahil sa sakit sa naturang session. Pilit naman siyang pinapakalma ng nagpakilalang chiropractor.
Sa medical examination matapos ang naturang session, lumitaw na nagkaroon ng bali si Yurong sa kanang bahagi ng kaniyang baywang.
Matapos na maospital, patuloy na idinukomento ni Yurong ang kaniyang kalagayan hanggang sa pumanaw na siya na dahil sa komplikasyon.
Naniniwala ang pamilya ni Yurong na may kinalaman sa kaniyang pagkamatay ang tinamo niyang pinsala sa baywang na nauwi sa komplikasyon.
“Ang paniwala ko sir dahil talaga sa pagbali sa kaniyang hita, para siyang na-stroke. Hindi na niya magalaw ang kaniyang kamay, ang mata niya nakagilid na," ayon kay Nancy Taping, kapatid ni Yurong.
Dagdag niya, nais talaga ng kaniyang kapatid na magpa-bone alignment dahil sa may nararamdaman itong masakit sa likod. Hanggang sa nakalilala umano ng kaniyang kapatid sa social media ang nagpakilalang chiropractor na pumunta pa sa kanilang bahay para gawin ang sesyon.
Plano ngayon ng pamilya ni Yurong na kasuhan ang nagpakilalang chiropractor.
“Masakit talaga sir hanggang buto dahil ganito ang nangyari sa kaniya. Malaki ang katawan niya dati pero noong huli kong pagpunta sa ospital, doon ko nakita na namatay na siya," sabi ni Taping.
Ihahatid sa kaniyang huling hantungan si Yurong sa Miyerkules at humihingi ng tulong pinansiyal ang kanilang pamilya para sa gastusin sa kaniyang libing.
Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang nagpakilalang chiropractor, ayon sa ulat. —FRJ, GMA Integrated News