Isang babae ang nasawi matapos siyang saksakin ng tenant na sinisingil niya ng upa sa bahay sa Antipolo, Rizal. Ayon sa suspek, napuno siya ng galit dahil sa labis umanong pamamahiya sa kanila ng biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, madidinig sa isang video sa Barangay Mambugan ang pagtatalo ng ilang tao dahil sa paniningil ng upa sa bahay.
Naniningil ang babae sa kaniyang lalaking tenant habang ang lalaking tenant naman, pinipilit umanong kumprontahin ang babae.
Hindi na nahagip sa video ang mga sumunod na kaganapan sa loob ng bahay ngunit sinabi ng pulisya na dito na sinaksak ng lalaking tenant ang babaeng naniningil ng upa.
“Actually, tenant 'yung suspect po natin. At 'yung victim niya ay 'yung kapatid naman nung may-ari ng property. So, ayon sa kanya, 'yung dignity niya is natatapakan tuwing sinisingil sila. Siyempre, sinisingil sila. According sa suspect ay binungangaan at dumating na 'yung sukdulan ba noong nakainom siya, nagkalakas siya ng loob sana na i-confront 'yung biktima,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, Chief of Police ng Antipolo Component City Police Station.
Isang saksak sa dibdib ang tinamo ng biktima, ayon sa imbestigasyon.
Dinala pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Narekober ng pulisya ang murder weapon.
Umamin ang 36-anyos na tenant na si alyas “Jes” sa krimen.
Ayon sa suspek, naniningil ang biktima ng halagang P5,000 para sa dalawang buwang upa nila sa bahay.
Sinabi niyang nadala siya ng sobrang galit dahil sa matinding pamamahiya umano ng biktima.
“Pinagmumura niya kasi kami tapos pinapahiya kami sa labas. Hindi ko na kinaya… Nabastusan ako nang sobra. Grabe kasi 'yun sumigaw. Hinabaan ko naman po 'yung pasensiya ako kaso dumating sa puntong napuno rin ako. Tao lang po ako eh. Blackout po ako ma'am. Lasing na lasing ako eh,” sabi ni alyas Jes.
Nasa kustodiya na ng Antipolo Police ang suspek, na mahaharap sa kasong murder.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng pamilya ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News