Sa paglulunsad niya ng kaniyang YouTube channel, ikinuwento ng aktres na si Eugene Domingo na dalawang state universities ang pinasukan niya at inabot siya ng walong taon sa kolehiyo.
Sa first episode ng kaniyang TY channel na may titulong "Most Searched and Most Requested," sinagot ng award-winning actress ang ilang personal na tanong at nagbigay din siya ng ilang impormasyon tungkol sa kaniyang sarili.
Ayon kay Eugene, isa sa mga desisyon niya sa buhay na hindi niya pinagsisihan ay ang tapusin ang kolehiyo kahit inabot siya ng walong taon.
"Kung meron akong desisyon sa buhay na never kong pinagsisihan is 'yung tinapos ko 'yung education ko," saad niya.
Inihayag din ng aktres na dalawang state universities ang kaniyang pinasukan.
"I finished Bachelor of Arts in Theater Arts sa University of the Philippines Diliman. Yes, nag-overstay ako. Ang sarap sa university eh. I also spent one year in the Polytechnic University of the Philippines," dagdag niya.
Mas gusto umano ni Eugene ang state universities dahil wala siyang masyadong panggastos sa pag-aaral.
"Ayoko talagang gumastos 'pag nag-aaral masyado, lalo na nung college kasi wala naman talaga akong pambayad. Gusto ko lang talagang makatapos ng kolehiyo nang may diploma," pahayag niya.
Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" noong 2023, ikinuwento ng international actress na si Dolly De Leon, na tinulungan siya ni Eugene noong panahon na nagigipit siya, at sinagot nito ang tuition ng kaniyang anak.
“At the time when I was going through really hard times... Kasi Kuya Boy may time talaga na wala na talaga akong pambayad ng kuryente, napatigil ‘yung anak ko sa pag-aaral dahil wala akong pambayad ng tuition,” paglalahad ni Dolly na nakasama ni Eugene sa Theater Arts sa UP.
"A lot of friends came to support me. Uge's one of them. She paid for my son's tuition for three years," sabi ni Dolly na nanalo ng Los Angeles Critics Award best supporting actress.
Kasama si Eugene sa cast ng upcoming musical plat na "Into the Woods," na kinabibilangan din nina Lea Salonga at New York-based Fil-Am Broadway star na si Arielle Jacobs.
Matutunghayan ang "Into the Woods" sa darating na Agosto sa Samsung Performing Arts Theater. —mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ, GMA Integrated News