Ibinahagi ni Mike Enriquez na 80 percent na siyang recovered matapos sumailalim sa kidney transplant noong nakaraang Disyembre. Pero dapat pa rin siyang mag-ingat laban sa impeksiyon kaya kailangan niyang lumayo sa dalawa niyang "minamahal."

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ng batikang broadcaster na pinayagan na siya ng kaniyang mga duktor na magtrabaho.

Kaya naman balik na siya sa kaniyang programa sa Super Radyo dzBB sa umaga, habang sa gabi naman ay sa GMA News "24 Oras." Bukod pa sa taping niya sa programang "Imbestigador."

Kuwento ni Mike, kinailangan niyang ma-isolate ng tatlong buwan pagkatapos ng operasyon sa kidney noong Disyembre. Pero humaba ito nang magkaroon siya ng impeksiyon.

Hanggang ngayon, ayon kay Mike, nakahiwalay pa rin siya ng tirahan. Tumutuloy siya sa isang condo na malapit sa kanilang bahay.

Nakakasalo naman daw ni Mike kung minsan sa pagkain ang kaniyang maybahay na si Baby.

Pero aminado siyang nami-miss niya ang dalawa nilang alagang aso na sina Booma at Nikki.

Kahit kilalang seryosong tao at hindi tinatantanan ang mga abusado at tiwali, aminado si Mike na isa siyang fur daddy.

"Love na love namin sila, and love na love nila kami. Ayan Pia, na-miss ko tuloy," sabi ni Mike patungkol sa kanilang fur babies.

"Si Nikki ay maltese, si Booma ay poodle. Mga cute," ani Mike.

Paliwanag ni Mike, kabilang sa bilin ng kaniyang duktor ang pag-iwas sa aso dahil sa kanilang balahibo. Maaari umanong may makasama sa balahibo ng mga aso na baka maging sanhi upang maka-impeksiyon sa kaniya at makaapekto sa kaniyang kidney.

Libangan

Dahil mag-isa sa condo, ang libangan umano ni Mike ay nanood ng tv, Youtube, Netflix, at luma niyang mga DVD.

"Nagbabasa, natutulog. Kasi nga every morning 4:30 am ako gumigising. Kapag weekdays, Monday to Friday kasi may programa ako sa radio ng 7 o'clock. Kapag weekends, Satuday and Sunday, bumabawi ako. Tina-try kong bumawi sa tulog saka sa pahinga," kuwento niya.

Mga palabas, mas gusto umano ni Mike na manood ng mga documentaries. At dito niya nakita na may ibubuga ang mga dokyu na ginagawa ng GMA.

"Kaya nanalo [tayo] ng awards [sa abroad] yung mga documentaries natin," masayang pagmamalaki niya.

Mas naging madasalin

Sinabi rin ni Mike na mas naging madasalin siya pagkatapos ng kaniyang pinagdaanan.

"Now at least twice a day I pray silently. Specially 'pag papasok ako sa umaga pasikat pa lang yung araw. Kung minsan madilim pa, 'yon it's a good time to pray," aniya.

Sa gabi naman naman ay ginagawa niya ang kaniyang pagdarasal sa tahimik niyang kuwarto.

"Sometimes in the middle of the day bigla na lang akong napapadasal. Ang lahat ng dasal ko nag-uumpisa at natatapos sa pasasalamat. It's always thank you, thank you, thank you," sabi pa ni Mike.

"Kasi marami sa atin nagdadasal kapag may kailangan lang, 'pag may hihingin. Mayroon din akong pinagdadasal pero ang umpisa at katapusan parating thank you," ayon sa brodkaster.

Sa naturang panayam, inihayag din ni Mike na ninais niya noon na maging pari dahil naging inspirasyon niya ang kaniyang ama na isang lay minister sa kanilang parokya.

"Ang sabi niya, buhay ng tao parang circle ... sa umpisa malapit ka sa Diyos, habang umuusad ang buhay mo, lumalayo ka dito sa pinanggalingan mo. Ngayon kapag tumatanda ka na, bumabalik ka ulit sa Diyos, sabi niya," kuwento ni Mike.

"Ayun ang analogy niya sa buhay ng tao, kaya nung bata ako gusto ko maging pari. But actually ngayon kung tatanungin mo ako, I would not mind being a priest up to now," sabi pa niya.

Ayon kay Mike, pumasok siya ng seminaryo pero tumagal lang siya ng kalahating taon at napasok sa pagiging broadcaster. -- FRJ, GMA News