Matutunan natin ang magpakumbaba, dahil wala tayong maipagmamalaki sa harap ng Diyos (Mateo 8:5-11).
"Langaw na nakatuntong sa kalabaw" ang tawag sa mga taong mayabang na ginagamit ang kanilang impluwensiya, mula sa taong kaniyang pinagsisilbihan.
Ang pakiramdam kasi ng mga ganitong tao ay malaki at malakas na rin sila katulad sa taong kinakapitan nila. Kadalasan, ang mga taong itinuturing na langaw na nakatuntong sa ibabaw ng kalabaw ay mas abusado pa kumpara sa kanilang amo.
Masyado na silang natatangay ng kanilang kahambugan at nakalimutan na ang salitang kababaan-loob.
Ngunit mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 8:5-11) ang mensahe ng pagpapakumbaba at matibay na pananalig sa Diyos nang matunghayan natin sa Pagbasa ang tungkol sa isang mataas na opisyal ng Hukbong Romano.
Winika niya kay Hesus, "Hindi siya karapat-dapat puntahan. Subalit sabihin lamang Niya ay gagaling na ang kaniyang katulong". (Mt. 5:8)
Sino nga ba sa atin ang karapat-dapat sa harap ng ating Panginoong Diyos? May ilang tao kasi ang nalulunod sa isang basong tubig.
Ang pakiramdam kasi agad nila ay malaki at malakas na tao na sila matapos silang mabigyan ng oportunidad, at nagiging mapagmataas na sila o mapagmalaki.
Subalit ano kaya nating ipagmalaki sa Diyos na lumikha sa ating lahat? Alalahanin natin na mula sa ating pagsilang hanggang sa ating paglaki, ang lahat ng bagay na nagkaroon tayo ay biyayang bigay ng Panginoon.
Nakakalungkot lamang makita na ang ilan sa atin ay umaasta na agad na parang Diyos kapag nagkaroon sila ng posisyon, impluwensiya o naging sikat. Akala nila marahil ay kapantay o mas mataas pa sila kaysa sa Diyos.
Ngunit hindi ang mataas na opisyal ng Hukbo ng mga Romano na nakasaad sa Ebanghelyo. Kahanga-hanga ang ipinamalas na pagpapakumbaba at pag-amin niya sa sarili na nakahihigat sa kaniya si HesuKristo.
Sa kabila ng kaniyang mataas na katungkulan, batid ng Romanong opisyal na Anak ng Diyos ang kaniyang kaharap at kausap. Kaya para sa kaniya, wala siyang maipagmamalaki kumpara kay Hesus kahit pa mayroon siyang malaking hukbo na pinamumunuan.
At ang kaniyang pagpapakumbaba ay para sa isang alipin na nais ng opisyal na Romano na pagalingin ni HesuKristo. At sinabi sa kaniya ni Hesus na, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin."
Sa tinuran na iyon ni Hesus, sinabi ng opisyal na, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong." (Mt. 8:5-13)
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na nawa'y matutunan din natin ang magpakababa kagaya ng ipinamalas ng Romanong opisyal. Sapagkat kahit ano pa ang ating marating sa buhay na ito, isang tuldok pa rin tayo sa harap ng ating Panginoong Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y matutunan nawa namin ang magpakumbaba kagaya ng ipinakita ng Romanong opisyal sa Ebanghelyo. Dahil wala po kaming maipagmamalaki sapagkat kami ay nilalang lamang ng Diyos Ama. AMEN.
--FRJ, GMA News