Nag-viral sa social media ang larawan ng isang pamilya nang mapansin ng netizens ang tila imahen ni Hesukristo sa isang bundok na kanilang ginawang background sa Talisayan, Misamis Oriental.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing hinihintay ng mag-anak ni Shiela Sta. Rita ang kanilang panindang mga isda nang maisipan nila kumuha ng litrato sa Sipaka Heights.
Nang i-post nila ang larawan sa social media, naging viral ito nang mapansin ng netizens ang tila imahen ni Kristo.
Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang litrato, ngunit para kay Shiela, isa itong paalala na huwag kalimutan magdasal araw-araw.
Habang hindi itinatanggi ng Simbahang Katoliko ang imahen, kinakailangan pa raw itong pag-aralan nang mabuti at respetuhin ang paniniwala ng bawat isa.
Sa mga katulad na insidente na may nabubuong imahen sa iba't ibang bagay tulad sa mga puno at bato, tinatawag ito ng mga eksperto na "pareidolia." --Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA News