Posibleng mauwi sa demandahan ang samahan nina Senador Manny Pacquiao at dati niyang trusted aide na si Jayke Joson. Ito ay matapos akusahan ng huli ang Pambansang Kamao na kumuha umano ng paunang bayad na P165 milyon para labanan si MMA fighter Conor McGregor na hindi naman natuloy.
Ayon kay Atty. Nikki de Vega, legal counsel and spokesperson ni Pacquiao, magsasampa sila ng kaukulang reklamo laban kay Joson. Kabilang dito ang cyberlibel at estafa.
Iginiit ni de Vega na imbento ang mga paratang ni Joson kaugnay sa umano'y pera tungkol sa sinasabing hindi natuloy na laban ni Pacquiao kay McGregor sa Las Vegas.
“Regarding sa claims niya, to be honest they are fabricated claims. P165 million na kaniyang ina-advance daw na pera, those are baseless and false,” sabi ni De Vega sa press conference nitong Martes.
“We are actually going to file necessary criminal case. Cyberlibel, estafa, syndicated estafa. Siguro hintayin natin d'on. 'Pag nai-file na namin, makikita ninyo doon,” patuloy niya.
Nitong nakaraang Hunyo, nagsampa ng multi-million dollar lawsuit ang Paradigm Sports Management laban kay Pacquiao dahil sa umano'y hindi pagtupad ng senador sa kontrata.
Alegasyon ni Joson
Sa panayam kay Joson sa Sonshine Media Network International, sinabi niya na nagpatulong sa kaniya si Pacquiao para maghanap ng laban at makapag-cash advance.
Sa pamamagitan ng Paradigm Sports, nagawa umano nilang ikasa ang laban ni Pacquiao kay McGregor sa Las Vegas.
Idinagdag ni Joson na nakahingi sila ng $2 milyon sa Paradigm Sports para kay Pacquiao.
"So kinausap namin ang Paradigm, para mapagbigyan. Naayos po namin, on record po 'yan. So nagbigay ang Paradigm ng $2 million kay Senator MP [Manny Pacquiao] as a cash advance since lalaban naman siya kung ano gusto ng Paradigm," ayon kay Joson.
Patuloy ni Joson, humingi pa raw muli si Pacquiao ng karagdagang $2 million mula sa Paradigm Sports, pero tumanggi na ang kompanya.
Sinabi ni Joson na lumikom sila ni Arnold Vegafria, kasamahan din sa grupo ni Pacquiao, ng P65 milyon para sa senador.
Pero iniwan na raw sila ni Pacquiao nang hindi ibinabalik ang pera.
“To cut the long story again, part three, nabigay namin ang pera. Nagkasangla-sangla po kami. Nakuha niya 'yung pera ng Paradigm, tinakbuhan po kami," ayon kay Joson.
Hanggang ngayon ay hindi raw nakikipag-ugnayan sa kanila si Pacquiao.
"Hindi kami ang tumakbo sa kaniya, siya ang tumakbo sa amin. Kami kinuhanan niya ng pera.. Hanggang ngayon naghintay kami ng sagot. Sana man lang mag-reach out siya," sabi ni Joson.
Problema kay Joson
Ayon kay de Vega, hindi bahagi ng pagbuo ng kontrata sa Paradigm si Joson.
“Hindi po natin siya pwedeng matawag na naghahanap ng fight sa boxing ni Senator Manny. Meron po talagang mga tao si Senator Manny para d'on, professionally run,” paliwanag ni de Vega.
Ayon pa sa abogado, may mga hindi magandang ginawa si Joson na nalaman ni Pacquiao.
“Pag mali kay Senator Manny, mali iyon. Kahit matagal ka nang kakilala. Kung mali, mayroong katiwalian, may hindi magandang ginagawa, talagang naninindigan si Senator Manny sa tama,” pahayag ni de Vega.
Gayunman, hindi binanggit ni de Vera ang naturang usapin kina Pacquiao at Joson.
“The others po, meron po kaming pine-prepare na mga estafa, syndicated estafa and other criminal cases. 'Yan po hindi ko pa po puwede i-disclose kasi po ginagawa pa po namin iyon para po sa mga evidential matters,” paliwanag niya.
Sinabi naman ni Joson na plano rin niyang kasuhan si Pacquiao.
“Binigyan po nila ako ng idea na mag-file ng eksakto ganyan tanggal lang 'yung cyberlibel at i-todo natin yung estafa at syndicated estafa vs. Senator Manny Pacquiao at marami pa pong kasama din na hindi nababalik at nabayaran ni Pacquiao,” ayon kay Joson sa viber message sa mga mamamahayag.
Nakahanda rin daw si Joson na makipagdebate sa Pinoy boxing legend.
“Call ako dyan sa debate vs. Pacquiao. Magharap kami sa programa ni Pastor Quiboloy para mapag-usapan ang issue. Kaso matagal pa ‘yan 'pag nagkaso siya double 'yung ikakaso ko sa kanya,” babala ni Joson.
Nagsimulang pag-usapan ang posibleng sagupaan nina Pacquiao at McGregor noong nakaraang taon matapos kumpirmahan ng magkabilang kampo na nagkakausap sila.
Pero noong Hulyo, si Justin Poirier ang nakaharap ni McGregor para sa UFC 264, habang si Yordenis Ugás naman ang nakalaban ni Pacquiao noong Agosto.
Kapuwa natalo sa kani-kanilang laban sina Pacquiao at McGregor.--FRJ, GMA News