Nagkuwento si Ruby Rodriguez tungkol sa health condition ng kaniyang anak na si AJ, na nag-udyok sa kaniya para manirahan na sa Amerika. Ang isang gamot pa lang daw ni AJ, abot na sa P25,000 ang halaga sa isang buwan at mayroon pang iba.
Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing matagal nang nakaplano ang pangingibang-bansa ni Ruby pero naantala lang dahil sa pandemya. At nitong Mayo, tumulak na siya pa-Los Angeles, California.
Nagtatrabaho ngayon si Ruby sa legal department ng Philippine consulate na may kinalaman sa mga impormasyon ng lahat ng mga Pinoy na nakatira sa Southern California.
Pero nasa likod nito ang hangad niyang maipagamot ang bunsong anak na si AJ.
"He has intellectual disability, it means his brain is delayed at his biological age," sabi ni Ruby.
Nagsimula naman ang medical issue ni AJ sa edad na anim kung saan inatake siya ng Henoch-Schönlein purpura, isang auto-immune disease.
"The HSP is not naman really rare, it's not extremely rare. But it happens, pero one attack lang. Ang rare is a chronic attack of HSP, which AJ had. Because of his chronic attack, ang HSP damages internal organs specifically the kidneys," pagbabahagi ni Ruby.
Ayon kay Ruby, umaabot sa P25,000 ang halaga ng gamot ni AJ sa isang buwan, bukod pa sa iba nitong gamot.
"My factor is for him to be a better child, because all I want for my son is a functioning member of the society. I'm not gonna force him to take college kung hindi na niya kakayanin. Basta ang kailangan, puwede niyang ma-support 'yung sarili niya kapag wala na kami," sabi niya.
Nilinaw din ni Ruby na dumaan siya sa ordinaryong proseso sa pag-apply niya sa trabaho at nagpasa rin siya ng resume. --FRJ, GMA News