Nahuli-cam ang kakaibang taktika ng dalawang traffic enforcer para kotongan ang dalawang rider ng motorsiklo sa Binondo, Maynila.
Sa ulat ng State of the Nation nitong Martes, makikita ang isang traffic enforcer na may sinitang rider at inaya niya sa nagtitinda ng prutas.
Kasunod nito, palihim na iniabot ng enforcer ang lisensiya ng rider. Ang rider naman, may iniabot na pera sa tindero ng prutas, at inipit ito ng tindero sa kaniyang tinda.
Ilang segundo lang, nagpunta naman sa prutas ang enforcer at kinuha ang inipit na pinaniniwalaang pera.
Ang ginawa ng unang enforcer, sinundan naman ng isa pang enforcer at na may sinita ring rider.
Kinilala ang dalawang traffic enforcer na sina Ruben Delbo Jr. at Edgardo Ladonga.
Sinibak ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang ang dalawa na wala pang pahayag.--FRJ, GMA News