Patay na nang maabutan ang 17 alagang baka sa lugar ng pastulan sa Bangued, Abra. Ang mga hayop, pinaniniwalang na-heat stroke matapos mapabayaang nakabilad sa araw.
Sa ulat ni King Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing pito sa mga namatay na baka ay alaga ni Jaime Banaga ng Barangay Cabuloan.
Sa nakalipas na mahigit 3 linggo, nakaranas ng pag-ulan ang lalawigan pero kahapon ay naging mainit naman ang panahon.
Idinulog sa Provincial Veterinary Office ang nangyari at iniutos na ilibing ang mga baka.
Naniniwala si Assistant Veterinarian Dr. Jomar Sales, na nakaapekto sa mga baka ang naging pabago-bago ng klima.
Kaya pinayuhan ang mga nag-aalaga ng baka na isilong ang mga hayop kapag nasa matinding init ng araw para maiwasan ang heat stroke.
Humingi naman ng tulong sa gobyerno ang mga namatayan ng kanilang mga alagang baka. --FRJ, GMA News