Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na limang bus driver sa Zamboanga City Integrated Bus Terminal ang nagpositibo sa isinagawa nilang drug test.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing nakasalang na sa confirmatory test ang initial result ng limang bus driver na nagpositibo.

Dahil dito, suspendido muna ang biyahe ng mga naturang driver, na hindi nagbigay ng kanilang pahayag.

Sinabi ng PDEA na nagsagawa sila ng Oplan Harabas sa mga driver at konduktor ng mga bus at van upang matiyak na nasa kondisyon sila at ligtas ang mga bibiyahe ngayong Semana Santa. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News