Pinagpapala ng Diyos ang mga taong nagsisikap makasunod sa Kaniyang kalooban (Mateo 5:1-12).
Sa ating kasalukuyang panahon, ang lahat ng bagay ay kailangan nating pagtiyagaan. Kung hindi tayo magsa-sakripisyo at magtitiyaga, wala rin tayong makukuhang biyaya at gantimpala.
Sa ating Mabuting Balita (Mateo 5:1-12), angkop na angkop dito ang kasabihang: "Kapag wala kang tiyaga, wala kang nilaga."
Sapagkat sa ating buhay pananampalataya, kailangan natin ang magtiyaga at magtiis sa paggawa ng kabutihan o mga bagay na naaayon sa kalooban ng ating Panginoong Diyos.
Dahil mayroong naghihintay na gantimpala at biyaya para sa sinomang nagsisikap na gumawa ng kabutihan at kabanalan sa harap ng mga mabibigat na pagsubok sa buhay. Sa layuning panghinaan sila ng loob at tuluyang isuko ang kanilang malalim na pananalig sa ating Panginoong Diyos.
Mababasa natin sa Ebanghelyo na winika ni Hesus na: Mapapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat kabilang sila sa Kaharian ng Langit. (Mateo 5:3)
Tunay ngang mapalad ang mga taong nananatiling tapat sa kalooban ng Diyos sa kabila ng kahirapan at mabibigat na suliranin sa kanilang buhay.
Hindi sila sumusuko, sa halip ay sinisikap at pinatitiyagaan nilang makasunod sa kalooban ng ating Diyos. (Mateo 5:5)
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa (Ang Sermon sa Bundok) na huwag tayo basta-basta panghihinaan ng loob sakaling dumating ang mga mabibigat na pagsubok aa ating buhay. Dahil ginagawa ito ng Diyablo upang manlamig ang ating relasyon at pananampalataya sa ating Panginoon.
Natatandaan ko pa ang sinabi ng kaibigan kong pari na, mapalad ang mga taong dumadaan sa mga mabibigat na pagsubok sa kanilang buhay. Sapagkat isa lamang ang malinaw na ibig sabihin nito, malalim at taimtim ang ating pananalig sa Panginoong Diyos.
Tinitiyak sa atin ni Hesus na may naghihintay na gantimpala para sa mga taong namumuhay nang tama kahit na sila ay nilalait at inuusig ng kanilang kapuwa.
Kailangan tayong magalak at magsaya sapagkat malaki ang ating magiging gantimpala sa Langit.
Madali ang magpakasama, subalit mahirap at kailangan natin magtiyaga sa paggawa ng kabutihan. Gayunman, tandaan lamang natin na ang mga taong gumagawa ng masama dahil nahihirapan silang magpakabuti ay isang lugar lamang patutunguhan ng kanilang kaluluwa.
Samantalang ang mga taong nagsisikap magpakabuti kahit sila ay binubuyo na gumawa ng masama ay gagantimpalaan ng ating Amang nasa Langit.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y tulungan Mo kaming magtiyaga sa paggawa ng kabutihan dahil hangad namin na Ikaw ay aming makapiling sa Iyong Kaharian sa Langit. AMEN.
--FRJ, GMA News