Gumagawa ang mga dalubhasa sa University of Lille sa France ng bagong paraan ng COVID-19 test gamit ang smartphone. Ang resulta, puwede raw malaman sa loob lang ng 10 minuto.
Sa ulat ng Reuters, ipinakita ang prototype CorDial-1 test na kasinglaki ng USB stick na ikakabit sa smartphone upang malaman kung positibo o hindi sa virus ang isang tao.
"Somebody has to take a nasal swab of you, you will put the sample directly on the electrode, you can put the telephone on the table, you can have a coffee, some ice cream, even a shower and ten minutes later you come back," paliwanag ni professor Sabine Szunerits.
Sa pagsusuri, gumagamit ng tiny antibody particles mula sa camelids- isang animal family na kinabibilangan ng llama, camel, at alpaca.
Ilalagay ang nanobodies sa ibabaw ng electrode. Kung positibo sa COVID-19 virus, makikita sa graph sa cellphone ang ‘spike.’
"You start up your mobile phone, a signal will appear, and depending on the height of the signal, you can say if you're COVID positive or negative," aniya.
Wala pang pag-apruba sa CorDial-1 test para magamit para sa COVID-19.
Gayunman, lumilitaw umano sa mga paunang pag-aaral na 90% accuracy rate nito kumpara sa mas pinagkakatiwalaang PCR tests, na may katagalan ang paglabas ng resulta at kailangan ng laboratoryo.
Ang susunod na bahagi ng CorDial-1 test ay ang three-month trial ng mahigit 1,000 katao bago ang maramihang produksiyon.--Reuters/FRJ, GMA News