(BALALA, MASELAN ANG PAKSA SA VIDEO AT HUWAG GAGAYAHIN)
Isang grupo ng kalalakihan sa Batangas na pinamumunuan ng isang dating sundalo umano na mula sa Mindanao ang hindi tinatablan ng bala ng baril at patalim dahil sa kanilang pambihirang sinturon na pula na kung tawagin ay "Bacos."
Ang bacos, sinasabing mayroong iba't ibang gamit na mula sa kalikasan at orasyon.
At ang kanilang kapangyarihan, sinasabing mas lumalakas daw tuwing Kuwaresma kapag dinadasalan ang kanilang agimat.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, isang video ang ipinakita kung saan ang lider ng tinatawag na samahan na Martyr Pulahan, tinangkang barilin pero hindi pumutok ang baril.
Ipinakita rin ang ritwal sa mga sumasapi sa samahan na tinataga at hinihiwa ng gulok pero hindi tinatablan.
Pero ang ilang eksperto, may paliwanag kung bakit maaaring hindi pumutok ang baril at kung bakit hindi nasusugatan sa patalim ang mga tao sa video. Panoorin ang episode na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News