Nakatanggap ng maagang pamasko ang isang mag-asawang OFW sa Macau na problemado sa bayarin sa ospital dahil sa panganganak ng babae. Ang bayarin kasi na umabot sa katumbas na P250,000, sinagot ng isang Portuguese group na 'di nagpakilala.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, napag-alaman na kabilang ang mag-asawang Jaymar at Glenda Teope sa mga OFW sa Macau na naapektuhan ang trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Nataon pa sa pagbubuntis ni Glenda, na hindi naman makauwi sa Pilipinas kaya doon na inabutan ng panganganak.
Lumaki ang gastusin nila sa ospital nang magkaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis ni Glenda dahil may umbilical cord na nakapalupot sa leeg ng sanggol.
Sa kabutihang-palad, ligtas na nakapanganak si Glenda at malusog ang iniluwal niyang sanggol na si Baby Miguel.
Gayunman, malaking suliranin para sa mag-asawa kung saan kukuha ng pambayad sa ospital dahil natigil si Jaymar sa kaniyang trabaho bilang room attendant sa isang hotel.
Subalit sa tulong ng isang grupo ng mga Portuguese, natapos ang suliranin ng mag-asawa dahil sinagot ang gastusin nila sa ospital ay may regalo pang mga gamit para kay Baby Miguel.
Kuwento ni Glenda, isang kaibigan nilang OFW ang nakakaalam ng kanilang problema na mayroong amo na Portuguese, na miyembro ng grupo na ang layunin ay tumulong sa mga sanggol.
Ayon kay Jaymar, nasorpresa sila nang sabihan sila sa ospital na bayad na ang lahat ng kanilang bayarin.
"Para kaming nanalo sa isang game show. Congratulation yung bill niyo fully paid na," masayang sabi ni Jaymar at sinabing napaluha na lang silang mag-asawa nang malaman ang magandang balita.
Ayaw na umanong magpakilala kung sino-sino ang nasa likod ng Portugues group dahil ang mahalaga ay maayos na ang kalagayan ng sanggol.
Ang mag-asawang OFW, labis-labis ang pasasalamat sa dayuhang grupo na handang tumulong kahit hindi nila kakilala.--FRJ, GMA news