Pumanaw umano ang isa sa mga ostrich na nakawala sa subdivision sa Quezon City nang dahil sa “stress,” ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang may-ari, pinagpapaliwanag sa nangyari.
Sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB, sinabi ni DENR spokesperson Benny Antiporda na ito ang report na ipinadala sa kanila ng may-ari na kinilalang si Jonathan Cruz.
FLASH REPORT: Isa sa mga nagviral na ostrich sa Quezon City, namatay na dahil sa stress, ayon kay DENR Spokesperson Usec. Benny Antiporda. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/DmGQ8JeiXi
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 8, 2020
Ayon kay Antiporda, ipatatawag pa rin nila ang may-ari ng ostrich sa Lunes para ipaliwanag ang insidente, at makakuha rin ng ebidensya ang ahensiya kung saan inilibing ang naturang hayop.
Sa inisyal na imbestigasyon ng ahensiya, nakasaad sa travel permit na ipinakita ng may-ari na nanggaling ang ostrich sa Misamis at nakatakda sanang dalhin sa Nueva Ecija.
Gayunman, ipinagtaka ng DENR kung paano napunta ang ostrich sa Quezon City at dito na inalagaan.
Naka-address din ang ostrich sa Bgy. Balingasa, Quezon City, pero namataan sa may bahagi ng Mapayapa Village.
Boluntaryo naman nang ibinigay ng may-ari sa DENR ang isa pang ostrich, na dinala sa rescue center ng Biodiversity Management Bureau ng DENR.
Ayon pa kay Antiporda, iimbestigahan nila ang insidente at pananagutin ang sino man na mapatutunayan na may pagkukulang sa pagkawala at pagkamatay umano ng ostrich.
Nag-viral ang mga video ng mga ostrich kamakailan na tumatakbo at tila pagala-gala sa isang pribadong subdivision sa Quezon City. – Jamil Santos/RC, GMA News