Kinuha ng isang abogado na kasama sa mga pinagpipilian sa mga tanong sa “Bawal Judgmental” ng "Eat Bulaga" ang pagkakataon na ipagtapat sa kaniyang pamilya at sa buong mundo na miyembro siya ng LGBT community.
Kabilang si Atty. Klinton Torralba, sa mga degree holder na kasama sa mga pinagpilian para sa mga tanong sa guest celebrity contestant na si Yayo Aguila.
Sa kabila ng naabot ni Klinton, isang cum laude graduate at Bar topnotcher, hindi raw nila napag-uusapan sa kanilang pamilya ang kaniyang tunay na pagkatao, na mabigat umano sa kaniyang kalooban.
“Ma and Pa... I just want to unburden myself and my family of this dilemma so here I am. I know for a fact that you’ll accept me. I will never stop making you proud,” sabi ni Klinton.
Dagdag pa niya, “Sure ako na bilang abogado alam nyong pinaglalaban ko lagi ang iba pero sa pagkakataong ito sana hayaan n'yong ipaglaban ko naman ang sarili ko.”
May pagkakataon na gustong i-hug ng naiyak na si Paolo Ballesteros si Klinton pero hindi maaari dahil sa pinaiiral nilang social distancing sa studio.
Pero sabi ni Paolo: “With achievements or wala, I’m sure very proud sila sa ’yo. Dahil wala naman yan sa pagkatao. Kailangan mabuting tao.” – FRJ, GMA News