Dalawang buwan matapos maipalabas sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kaawang-awang kalagayan ng 11-anyos na babae na halos buto't balat ang katawan dahil sa kawalan ng makakain, dumagsa ang tulong sa kaniyang pamilya. Alamin na ang kalagayan niya ngayon sa Samar.
Marami ang naantig ang damdamin nang mapanood ang kalagayan ng batang si Lhixie, na halos buto't balat ang katawan dahil sa limitado lamang ang kaniyang nakakain o naiinom na gatas dahil sa kahirapan ng buhay ng kanilang pamilya.
Tanging P10 halagang gatas lang ang kayang bilhin para sa kaniya ng kaniyang mga magulang dahil may iba pa siyang mga kapatid na kailangan kumain.
Pero mula nang maitampok sa "KMJS" ang kaniyang kuwento, sinabi ng ina ni Lhixie na si Lourdes na nakatanggap sila ng tulong at ngayon ay nakakain na nang sapat ang kaniyang anak.
Kung ang dating buto't balat na si Lhixie na nasa siyam na kilo lang noon ang bigat, ngayon ay masayahin na at nasa 16 na kilo na ang kaniyang timbang.
Kahit papaano at maliksi na rin umano si Lhixie at nakikipaglaro na sa kaniyang mga kapatid.
"Ngayon po, malikot na siya. Katawan niya malaki na. Panay na ‘yung ngiti niya, palagi na po siyang nakatawa. Mapaglaro na po siya, nakikipagtawanan na po siya sa mga kapatid niya," ayon sa ina ni Lhixie.
"Sa gatas dati kahit P10 pesos hindi kami makahanap. Hindi kami makapambili ng gatas, ‘yung gatas niya napakamahal," anang ginang. "Tapos ‘yung vitamins niya napakamahal. Samantala ‘yung 10 pesos hindi ko mahagilap kung saan-saan."
Sa tulong na kanilang natanggap, nakapaglaan din sila ng pondo para maipagawa ang kanilang bahay.
Nagtatabi rin sila ng pera para sa plano nilang maliit na negosyo.
Kaya naman labis-labis ang pasasalamat nila sa mga taong tumulong sa kanila.
"Nagpapasalamat ako nang sobra-sobra. God bless po, more blessings po sana ang dumating pa sa inyo. Marami po sana ang matulungan ninyo," sabi ni Lourdes.— FRJ, GMA News