(Ikalawa at huling bahagi): Binubuo ng mahusay nilang pagsusulat at pagbibigkas, nagsisilbing daan ang spoken word poetry upang ikuwento ng mga makata ang kanilang mga karanasan o ihayag ang kanilang nasa isip at mensahe. Pero gaano na kabukas ang isip at pagtanggap ng mga tao tungkol dito?
Sa panayam ng GMA News Online, ibinahagi ni John Verlin Santos, founder ng organisasyon at art collective na Titik Poetry, ang isa niyang karanasan kung saan may pag-aalinlangan ang ilang tao sa spoken word poetry.
Unang Bahagi: Spoken word poetry: Sining na nakapagpapalaya at nagsusulong ng wika
“Nagtutula kami sa bus. Tapos ang tingin nila sa amin ay mga aktibista. ‘Yun agad ang ita-tag nila sa 'yo. Kasi, well, ‘yung piyesa namin noon, ang title niya kasi ‘Nasaan ba ang Kapayapaan?,’” kuwento niya.
“Siguro ang tingin ng audience, siyempre, pagka nasa bus ka, iba-iba ang mga tao, hindi naman sila sumakay doon para panoorin ka. So, magugulat sila kung mayroong isang entity doon na bigla na lang nagsalita. Hindi naman siya something na Word of God na ‘yung may radyo tapos nanghihingi ng abuloy. Piyesa siya eh. Very absurd moment ‘yun para sa mga taong gusto lang sana umuwi,” paliwanag niya.
Hanggang sa isang pasahero ang kumuwestiyon sa kanilang ginagawa.
“Sabi niya, nagtaas [ng boses], ‘Bakit niyo ‘yan dito ginagawa? Hindi ba dapat doon ‘yan sa labas?’” pag-alala ni Santos sa kaniyang karanasan.
Ngunit sa halip na masamain niya ang tanong, sinamantala ni Santos ang pagkakataon na ipaliwanag sa nagtanong kung bakit nila ginagawa ang spoken word poetry sa iba’t ibang lugar gaya ng bus at hindi lang sa stage.
“Noong naipaliwanag ko siya nang maayos, ang laki ng ibinigay niyang pera doon sa basket namin,” sabi ni Santos.
“Napag-uusapan naman siya… Gusto lang nilang marinig bakit niyo ‘yun ginagawa? So, noong naipaliwanag ko kung bakit namin ito ginagawa, doon ako na-enlighten, na doon sa mga ganu’ng klase ng pagkakataon, nakagagawa ka ng stage at saka ng dialogue para mapag-usapan ‘yung ganito,” ayon kay Santos.
“Sa tingin ko, kailangan lang din ma-educate ‘yung mga tao,” pagpapatuloy niya.
Bukod sa mga bus, ginagawa rin nina Santos ang spoken word poetry maging sa mga terminal at mga parke na biglaan lamang.
“Very on the spot, very flash mob. Nagagawa namin ‘yun. Nagugulat ang mga tao. Mas nanonood sila. Mas nakikinig sila,” sabi niya.
Sa tuwing naiimbitahan naman ang grupo ng Titik Poetry sa mga event, isinasagawa nila ang tinatawag nilang “sigya,” na salitang Tagalog din ng “inspiration,” bilang kanilang closing performance.
Sa “sigya,” makikihalubilo ang kaniyang mga kagrupo at pupuwesto sa iba’t ibang lugar mula sa mga manonood, at nag-aayos na ng kanilang mga sarili at camera. Ilang saglit lang, isa-isa na silang magsisitulaan gaya ng isang “flash mob.”
“Isa ‘yon sa mga paborito namin, kasi nagugulat ‘yung mga tao tapos nakikinig sila. Tapos, ‘yon ‘yung something na memory na maiuuwi nila,” sabi ni Santos.
“Siguro, para sa ibang tao… weird lang naman ang isang bagay kapag hindi ka oriented. Pero opportunity siya para mag-explain, opportunity siya para mag-mag-share,” patuloy niya.
Kaparehas ng FlipTop Battle?
Para kay Santos, magkaibang sangay ang spoken word poetry sa mga isinagagawang fliptop rap battles, o pang-aasar o pangangantiyaw sa mga katunggali gamit ang rap, na nagsimula pa noong mga 2010.
Sa kabila nito, ilang spoken word artist din ang sumusubok sa mga rap battle.
“Totally magkaibang disipline ‘yon. Ako na-try ko na rin mag-rap battle pero ibang bridge siya ng pagkatao eh. Mas angst and provocative… Sa spoken word puwede rin naman pero mas malawak kasi ‘yung ino-offer ng spoken word dahil sa dami ng issues na puwede mong talakayin. ‘Pag sa rap battle kasi limited ka lang sa kung sino lang ‘yung kalaban mo,” paliwanag ni Santos.
“Para sa akin, magkaibang bagay, magkaibang history, pero nasa isang strand lang ng platform ‘yun, ‘yung performing arts,” sabi pa niya.
May pera ba sa sining na ito?
Isa pa sa mga hamon na kinahaharap ng mga nasa larangan ng spoken word poetry ang puna ng ilan na wala masyadong kinikitang pera ang mga artist o makata rito.
“Ang pinakamahirap bilang isang lider ng isang art collective, kapag itong mga sumasama sa 'yo naniniwala sa nakikita mo. Ang pinakamasakit na maririnig mo sa mga magulang ng mga kasama ko, ‘Bakit ka ba sama nang sama sa taong ‘yan? Wala naman kayong nalalagay na pagkain sa hapagkainan. Wala naman kayong pera. Wala naman kinikita diyan,’” pagbabahagi ni Santos.
“Hindi kasi nila alam. Pero sa kahit na sinong tao na tatanungin mo, mukhang ang kaya niya lang sabihin, ito kasi ‘yung mahal naming gawin eh.’ Pero hindi ito naiintindihan ng mga magulang eh,” saad niya.
Mas malaking misyon
Ito ang nag-udyok kay Santos para humanap ng mga paraan upang kumita ang kaniyang mga kasamahan sa spoken word poetry kahit sa ibang paraan.
“Kung pumapayag kami na hindi kami nababayaran sa pagtutula, dapat nababayaran kami sa iba naming skills. Kaya tinuruan ko sila mag-photo, mag-video, mag-edit,” ani Santos.
Panahon ng pandemic nang ibahagi ni Santos sa kaniyang mga kasamahan ang kaniyang mga talento bilang isang multi-disciplinary artist.
Kalaunan, nagtapos din ang pandemya at muling nanumbalik ang mga "raket" ng mga artist.
“Ngayon may mga kaniya-kaniya na silang negosyo. May kaniya-kaniya na silang production. May lock-in shooting kami, sila rin ‘yung mga kasama ko. So nakabuo ako ng grupo na marunong mag-production lang dahil doon,” kuwento ni Santos.
Para kina Santos at sa kaniyang grupo, maaari pa ring pagsabayin ang hilig nila sa pagtutula at ang pagkita ng pera.
“Dahil ayaw naming manakaw sa amin ‘yung kalayaan naming mag-perform at tumula. Kasi ‘pag hindi na ba kami kayang bayaran hindi na namin siya gagawin? At ‘yun ‘yung iniingatan namin,” saad niya.
Hanggang kailan tutula?
Hindi rin maiwasan ng mga makata kung minsan na tanungin ang kanilang mga sarili kung hanggang kailan nila ipagpapatuloy ang paggawa ng spoken word poetry.
"‘Yung hirap, hindi lang ‘yung financially kundi pati moral, pati ‘yung mga paniniwala sa buhay. ‘Dapat na ba naming iwan ‘yung pagtutula? Wala ba kami mapapala rito? Paano ‘pag may asawa’t-anak ka na, magtutula-tula ka pa rin ba?’” pagbabahagi ni Santos.
Sa kabutihang palad, naipagpapatuloy pa rin nina Santos at ilan niyang mga kasamahan sa sining ang pagmamahal nila sa spoken word poetry sa kabila ng pagkakaroon na nila ng pamilya.
“May asawa’t anak na ako hanggang ngayon, ito pa rin ‘yung ginagawa ko. ‘yun pa rin ‘yung ginagawa namin ng mga kasama ko,” pahayag niya.
“At sa tingin ko, ngayon ang laki pa ng pangarap namin dahil para sa amin nakagagawa kami ng testament, na kayang mag-pursue eh. Kailangan mo lang mahanap ‘yung mga tamang tao sa paligid mo,” ayon kay Santos.
May magandang kinabukasan
Bilang isang art collective, nag-o-organisa ang Titik Poetry ng mga open mic sa iba't ibang munisipalidad at lungsod sa Cavite.
Nakikipagtulungan din sila sa mga cafe at bar sa Cavite para magkaroon ng mga “creative hub” o libreng espasyo hindi lang sa pagtutula, kundi pati sa musika at stand-up comedy.
“Kulang lang talaga sa stage, kulang sa organizer. Magaling ka sana eh, wala lang nag-organize para sa ‘yo. Kasi ibang skill ‘yung pag-o-organize. Hindi ka lang naimbitahan, sayang eh. Magaling ka sana, hindi ka lang nakita, hindi ka napanood. Wala kasing organizer. At walang lugar para gawin,” sabi ni Santos.
“Very, very promising kasi hindi na ito panahon ng mga ‘sikat’ eh. Panahon na siya ng community building,” sabi pa niya.
“Lahat ngayon, pantay-pantay. After ng pandemic, lahat nagsimula ulit sa scratch. Kaya ngayon, sobrang exciting ng times na ‘to kasi mas community-driven. Hindi siya kung sinong sikat na grupo, exclusive lang para sa kanila. Hindi. Ito ‘yung panahon ng paghahanap at saka pagpapalawak ng mga taong makakasama,” paliwanag ni Santos.
Bukod sa mas dumarami pa sila sa Titik Poetry, nakita rin ni Santos na patuloy na dinarayo ang mga spoken word poetry event.
Ipinagpapatuloy pa ng grupo nina Santos ang pagpapayabong ng spoken word poetry, at inihahatid ito maging sa Mindanao.
“Kung paano siya i-organize, hindi mo kailangan ng magarbong setup. Kailangan mo lang ng basic sound system at ng mic. Kung wala kang mic at saka sound system, puwede mong gawin sa ilalim ng puno, sa lilim ng puno. Kung may mag-o-organize lang,” sabi niya.
“Kung ikaw ay local doon sa communities na ‘yon, ‘yung wika niyo mismo, ‘yung ginagamit niyo pang perform, so natutuloy ‘yung pagsusulat. So, may nagsusulat, naitanghal, nai-perform, kahit freestyle pa ‘yun,” dagdag pa niya.
Inilahad ni Santos na ang wika ang “gulugod” ng isang kultura.
“Kasi proof ‘yun ng identity. Ang wika kasi ‘yan ang backbone ng culture. ‘Yan ang script ng isang kultura, ng lipunan,” giit niya.
“Mahalaga na magtipon-tipon ‘yung mga tao, magkaroon sila ng gathering, kasi wala namang bayad para mag-usap. Kung maire-record lang ang sining ng pagtula ay mailagay nila roon sa mga kultura nila, magpapatuloy ‘yun,” sabi pa ni Santos.
Paalala ni Virgilio Almario
Inilahad ng National Artist for Literature na si Virgilio Almario, ang kaniyang pagsuporta sa sining ng spoken word poetry, bagama’t may paalala siya tungkol sa mga makata.
“Gusto ko ‘yun. Pinuri ko na ‘yun sa isa kong [Facebook]. Kaya lang, ang ayaw ko roon sa kanila, pagka [nagtatanghal] sila, ‘yung mga bulgar na salita nila ang ginagamit nila,” sabi ni Almario sa panayam sa kaniya sa GMA News Online.
“Ang ganda-ganda ng following mo tapos narinig ka ng mga bata na bulgar ang salita mo. Sabi ko, ayusin ninyo ‘ka ko nang kaunti ‘yung language ninyo, para mas makatulong kayo sa mga tao,” sabi pa ni Almario, na founder at workshop director ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga manunula at makatang Pilipino.
“Pero gusto ko ‘yung kanilang paraan ng paggamit ng wika. Masaya,” pagpapatuloy ni Almario. “Okay naman para sa akin ‘yung gano'n. Basta, huwag bulgar ang language.”-- FRJ, GMA Integrated News