Mainit na usapin ngayon ang hakbang na ibalik sa kaban ng gobyerno ang sinasabing sobrang pondo ng PhilHealth na aabot sa halos P90 bilyon para magamit sa ibang proyekto. Ang naturang hakbang idinepensa ni Finance Secretary Ralph Recto.

Kamakailan lang, isang buntis sa Cebu City ang namatay, pati na ang kaniyang sanggol, nang manganak siya sa bangketa at tumangging magpadala sa ospital dahil sa wala siyang perang pambayad.

Kung tutuusin, maaari sanang sagutin ng PhilHealth ang gastusin niya sa pagpapa-ospital. Batay na rin kasi sa Universal Health Law, dapat saklaw na ng naturang health care system ang lahat ng mga Pilipino.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inihayag na nasa P89.9 bilyon ang sinasabing sobrang pondo ng PhilHealth, na puwedeng gamitin sa mga programang pangkalusugan ang ibabalik sa gobyerno upang ilaan sa ibang proyekto ng ibang ahensiya.

Ang mga mahihirap na dumadaing sa pagkukunan ng panggastos sa gamot at ospital, hindi maiwasan magtanong kung bakit hindi na lang ilaan sa mga katulad nilang nangangailangan ang pondo.

Sa nakaraang pagdinig ng isang komite sa Senado, napag-alaman na inatasan ang PhilHealth na ibalik sa National Treasury ang sobrang P89.9 bilyon na subsidiya, alinsunod sa itinatakda ng General Appropriations Act of 2024.

“To fund the unprogrammed appropriations Congress determined that there is another way at ito ay sa pamamagitan ng pagkolekta sa mga natutulog at hindi nagagamit na pera ng GOCCs,” paliwanag ni Finance Secretary Ralph Recto.

Kinuwestiyon ng ilang senador kung bakit kukunin ang pondo ng PhilHealth para ilaan umano sa mga road construction.

Ayon kay Dr. Tony Leachon ng Philippine Medical Association, “immoral” ang naturang hakbang.

“Pagnanakaw po ‘yon. Kasi alinsunod ho sa batas, any pondo po ng PhilHealth, kung sumobra po kayo, gagamitin lang ninyo po sa dalawang bagay: ang una po ay palakihin po ang benepisyo ng bawat pasyente. Ninakawan ka na, niloko ka pa,” pahayag niya.

Pinuna rin ni Leachon na taunan ang pagtaas ng kontribusyon sa Philhealth member.

Sa panayam ni Jessica Soho, sinabi ni Recto na ang naturang kautusan ng pagbabalik ng sobrang pondo ay galing sa Kongreso.

“Nasa General Appropriations Act of 2024, nakasaad dun, tingnan ninyo ‘yung mga natutulog na pera na nandiyan sa GOCC na hindi napapakinabangan. Kung may sobra, gamitin natin sa pagpopondo ng unprogram fund ng budget. Sa dami ng pangangailangan ng 115 million Filipinos, mula sa kalusugan, sa edukasyon, sa imprastraktura, sa agrikultura, kailangan nagagamit natin nang maayos ang pondo ng taxpayer o pondo ng pamahalaan,” paliwanag niya.

Ipinaliwanag ni Recto na ang daily expenditures [gastos] ng gobyerno ay umaabot ng P15.8 bilyon, kumpara sa daily revenue o kita na P11.8 billion lamang. Idagdag pa ang P4 billion na daily borrowing.

“Hindi ko nais dagdagan ang buwis na sasaluhin ng mamamayang Pilipino. So kung may natutulog na pera diyan at puwedeng pakinabangan, gastusin natin nang tama, bakit hindi?” depensa niya.

Paglilinaw pa ni Recto, hindi apektado ang kontribusyon at benepisyo ng PhilHealth members, sa halip ay nagkaroon pa ito ng pagtaas ng 30% across the board.

Kulang na coverage

Si Alvilyne Naparan na isang PhilHealth member at nagbabayad ng P500 kada buwan na kontribusyon-- bukod pa hulog ng kaniyang pinapasukang kompanya-- pinuna ang maliit na sinagot ng Philhealth sa bayarin nang minsan maospital ang kaniyang anak, na sakop ng kaniyang coverage.

Umabot umano sa P398,000 ang bill ng anak niya sa ospital dahil sa head injury pero P76,000 lang ang sinagot ng PhilHealth.

"Pagkatanggap ko po nung final bill, napaupo na lang ako. Ito lang po ba talaga yung kayang ibigay ng Philhealth? Wala man lang sa kalahati or kahit 1/4 man lang ng bill," nanlulumong pahayag ni Naparan.

"Nandito ko, nag-i-struggle sa ospital. Ang laki pa ng bayarin, ba't hindi po nila i-prioritize yung mga pasyente? Bakit siya ilalaan sa infrastructure? Bakit sa Philhealth kukunin?” puna niya.

Ang Private Hospitals Association of the Philippines, umaalma rin sa pagbabalik ng sobrang pondo ng Philhealth gayung malaki pa umano ang utang nito sa maraming pribadong ospital.

“Ang estimate namin ngayon mga around 4 to 6 billion pesos. ‘Yun pala meron pa silang ganun kalaking pera na tinatago o sinasabi na savings. Tapos parang hirap na hirap silang magbayad sa amin. Bakit ganun?” saad ni Dr. Jose De Grano.

Paggagamitan ng pondo

Ayon kay Recto, kabilang sa mga unang ginawa sa pondo ay bayaran umano ang mga benepisyo ng mga frontliners noong panahon ng pandemic na umaabot sa P27 bilyon.

“Pangalawa, ang budget ng health, on the average, ang increase, mga 25%. Ang isang kulang na kulang natin, ‘yung dagdagan dapat natin ‘yung imprastraktura, dagdag na hospital, dagdag na hospital beds ang kailangan ng public health natin. Kahit may Philhealth ka, kung walang ospital, magagastos mo ba ‘yung Philhealth?” anang kalihim.

Sinabi naman ni Recto na ang Department of Health ang dapat sumagot sa mga kakulangan ng gamot sa mga barangay health centers.

“We respect ‘yung mga opinyon ng mga health advocate. I'm also a health advocate. It just so happens, I'm the secretary of Finance. At may utos ang Kongreso dito na pinag-aralan naman namin, may katwiran naman, sayang naman kung yung pera natutulog lang sa dami ng pangangailangan,” giit niya.

Pero kung si Dr. Leachon ang tatanungin, dapat itigil ang paglilipat ng pondo ng Philhealth.

“Nakikiusap ako sa President Marcos, Secretary Recto, tigilan n’yo na ang pagta-transfer ng pondo. Nananalangin kami sa tulong ng bawat Pilipino, gawin n’yo ang dapat para sa bayan,” pakiusap niya.

“This is basic human right ng bawat Pilipino ang kalusugan. Dapat ipaglaban natin ito,” dagdag pa niya.

May mga hakbang na dalhin sa Korte Suprema ang usapin upang alamin kung legal at nararapat ba ang kautusan ni Recto tungkol sa naturang "sobrang" pondo ng Philhealth. —FRJ, GMA Integrated News