Nag-viral at kinaantigan ng netizens ang kuwento ng dalawang lalaki na dating magkatrabaho at magkaibigan nang aksidente sila na muling nagtagpo matapos ang mahabang panahon. Ang isa, may sarili nang negosyo at bahay, habang sorbetero naman ang isa at nakikitira lang. Pero sa kabila nito, walang pinagbago sa kanilang samahan.

Sa programang “Good News,” ipinakita ang nag-viral na larawan na kuha ni Monarch Casas, habang nakaupo sa bangketa ang kaniyang ama na si Nicky, at kausap ang kaibigan nitong sorbetero na si Michael Padayag.

Ayon kay Monarch, kamakailan lang ito nangyari nang ihahatid siya ng kaniyang ama sa paaralan, hanggang sa may dumaang sorbetero na namukhaan ng kaniyang ama na kaibigan niya na si Michael.

At kahit magkaiba na ang estado nila sa buhay, hindi nag-alinlangan si Nicky na kausapin si Michael.  

Taong 1998 nang unang magkakilala sina Nicky at Michael sa isang bigasan sa Pasig, kung saan nagtrabaho sila bilang mga kargador.

“Kami ni Michael, magkasamang kumain, sabay-sabay talaga kami niyan. Kaunting inom lang, tapos kuwento-kuwento, 'yon na,” kuwento ni Nicky.

“Mabait po, walang masasabi kasi sama-sama kami noon sa pagtulog, araw-araw kaming nagsasama. Wala kaming away,” sabi naman ni Michael.

Pero matapos ang apat na taon, nagkahiwalay ang magkaibigan nang paalisin ng kanilang amo si Nicky dahil naging kasintahan nito ang isa nilang katrabaho na si Lisa.

“Siyempre po malungkot kami, malungkot ako eh. Ang kaibigan ko wala na,” sabi ni Michael.

Magmula noon, nagkaniya-kaiya na ng buhay ang dalawa. Si Nicky, nagtrabaho sa tindahan ng halaman at natuto sa mundo ng landscaping. Unti-unti rin siyang nakabangon sa buhay at nakapagpundar ng sarili niyang negosyo, kasama si Lisa na kaniyang nakataluyan.

Naging sorbetero naman si Michael, na patuloy na lumalaban sa buhay para solong itaguyod ang dalawang anak matapos silang iwan ng kaniyang kinakasama.

Hindi gaya ni Nicky na may sariling bahay, si Michael, nakikitira lang sa pabrika na pinagtatrabahuhan niya ngayon. Dahil na rin sa hirap ng buhay, tumigil na sa pag-aaral ang isa niyang anak na nasa kolehyo na sana.

Hanggang sa muling magtagpo na nga sa lansangan ang landas ng dalawa.

“Nakita ko ‘yung mukha niya. ‘Ikaw pala ‘yan, Nicky. Ano, kumusta ka na ba? Mayaman ka na ata kasi may sasakyan ka na,’” sabi ni Michael.

“Masaya ako, nakita ko pa ang best friend ko. Siyempre masaya ako kasi nauna na rin sila. Sa loob ko, sana ganiyan din ako balang araw. Mangarap lang ako magkakaroon ako ng ganu’n,” dagdag pa niya.

Sa kanilang pagkikita sa kalye, nagbitiw ng pangako si Nicky kay Michael na papasyalan niya ito sa bahay na kaniya namang ginawa.

Kasama ni Nicky sa pagpunta sa bahay ni Michael ang kaniyang anak at asawa na si Lisa. Ipinakilala naman ni Michael ang dalawa niyang anak.

Nang malaman ni Nicky na natigil sa pag-aaral ang isang anak ni Michael na nasa kolehiyo na sana, inalok niya ang kaibigan na handa niya itong tulungan na magpatuloy sa pag-aaral.

Tanggapin kaya ni Michael ang alok ni Nicky? Tunghayan at kapulutan ng inspirasyon ang kuwento nila sa video ng "Good News." Ikaw, sino ang kaibigan na nami-miss mo na ngayon at nais makita? Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News