Ngayong mainit ang panahon, hindi maiiwasan na pagpawisan dahil natural itong paraan ng katawan para mapababa ang temperatura. Pero ang madalas na tanong, masama bang maligo kaagad kapag pinagpawisan?
Sa isang episode ng programang “Pinoy MD,” sinabi ni Dra. Ma. Via Juille Roderos-Galban, general physician, na puwede namang maligo kaagad kapag pagpawisan o natuyan ng pawis.
Katunayan, maganda umano ito sa katawan para maibsan ang init na nararamdaman ng katawan.
“Minsan kasi kapag natuyuan tayo ng pawis, malagkit ‘yung pakiramdam and it can actually worsen ‘yung pakiramdam natin, so okay lang kung maligo tayo after magpawis,” saad ng doktora.
Ipinaliwanag ni Roderos-Galban na paraan ng sistema ng katawan ang pagpapawis para malamigan kapag nainitan.
“Kapag tayo ay nagpapawis ang katawan natin ay tina-try niyang iregulate ang temparature natin. Kasi kapag masyadong nainitan ang katawan natin, hindi ito mainam sa ating kondisyon," paliwanag niya. "Puwedeng mapalala yung mga existing na sakit natin."
Sinabi rin ng doktora na dapat iwasang matuyuan ng pawis dahil maaari itong magdulot ng irritant dermatitis o pangangati, o kaya naman ay magdulot ng skin problem gaya ng pamumula sa balat.
Kapag nasa labas ng bahay o namasyal, payo ni Roderos-Galban, magdala ng tubig na iinumin, pamaypay, at wet wipes para ipunas sa mukha kung mainit na ang pakiramdam.
Mas makabubuti rin umano kung puti o light na kasuotan ang gamitin, at maluluwag.
Ngayon Abril at Mayo, posibleng umabot sa dangerous heat index ng hanggang 46 degrees Celsius ang init ng panahon.
Paliwanag ng PAGASA, ang heat index sa sukat sa temperatura ng tao, na batay sa komputasyon sa air temperature at humidity ng panahon.
Ang mapanganib na heat indexes ay maaaring magdulot ng heat stroke, heat exhaustion, o heat cramps.— FRJ, GMA Integrated News