Nagdulot ng takot sa ilang residente ng ilang barangay sa Pangasinan ang pag-iikot umano ng isang kulto sa kanilang lugar, at pinaniniwalaang kumakatok sa mga kabahayan sa kailaliman ng gabi para maghanap ng "iaalay." Pero ang miyembro ng inaakalang kulto, nagsalita at itinanggi ang maling akala tungkol sa kanilang grupo.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang isang video ng pagkabahala at pagkataranta ng mga residente ng Barangay Tanolong sa Bayambang dahil sa paggala umano ng mga miyembro ng kulto, na mga nakasuot ng puti at nagsisindi ng kandila.
Ang mga miyembro ng kulto rin ang itinuturong kumakatok sa mga bahay para maghanap umano na "mabibiktima."
Ang residenteng si Vivian Malicden, sinabing kumukuha umano ng mga dalaga ang kulto para ipatubos.
Ayon naman kay Jovelene Muñoz, sinabing posibleng may mga armas ang mga nangangatok ng bahay.
“Dire-diretso po silang nakahilera na may kandila. Naka-white lang po sila ng t-shirt pero ‘yung ulo po hindi po namin nakita,” paglalarawan ni Muñoz.
Ngunit biglang rin daw naglaho na parang bula ang mga miyembro ng kulto.
Ang tricycle driver na si Regan Junio, ikinuwento na kasama niya noon sa tricycle ang kaniyang asawa at anak noong isang gabi nang may nakitang lalaki sa daanan ng kanilang tricycle.
Ang isa sa mga miyembro ng kulto, pinuntirya raw ang kanilang tricycle.
“Hinila ‘yung tricycle ko. Sabi ko sa asawa ko, ‘Kumapit ka!’ Umiiyak ‘yung anak ko,” sabi ni Junio.
“Natatakot po ako kung anong klase silang tao,” sabi ni Marygrace Junio, asawa ni Junio. “Pagkalingon ko, may isa pong nakabitin doon sa carrier ng tricycle namin.”
Ang nakita ng mga residente na mga nakaputi ang itinuturo ring kumakatok sa mga bahay-bahay sa kanilang barangay.
Sinabi ni Malicden na sa una, mahinang katok lang ang ginagawa ng mga miyembro umano ng kulto. Hanggang sa umulit ito at mag-ingay na ang kanilang aso.
Umabot na rin sa karatig lugar na Barangay Inirangan ang mga misteryosong pagkatok ng kulto umano.
“Mga bandang 9:20 p.m. Ang nakita ko po doon, limang katao na padaan sila sa papuntang bukid. Naka-bonnet lang. Hindi ko po nakilala kung sino pong mga ‘yun. Kabado po ako talaga dahil ako lang mag-isa po doon,” sabi ni Mohner Agustin.
Nadagdagan pa ang takot ng mga taga-Bayambang matapos kumalat ang video online ng isang grupo na mga nakaputi at may hawak na kandila, at tila nagpu-prusisyon sa kalsada kahit 10 p.m. na.
Natunton ng KMJS team ang mga tao na kasama sa naturang prusisyon na kumalat na video. Pero paglilinaw ng miyembro nito na si Dellaila Doroy, miyembro sila ng sekta na tinatawag na Rizalista, at hindi sila kulto.
“Kaming Munting Paraiso ng Diyos Padre Eterno ay naninindigan na ang Diyos namin ay ang Dr. Jose Rizal,” paliwanag naman ng founder nito na si Josephina Chuachieng.
Nagsimula umano ang kanilang sekta sa bayan ng Calamba, Laguna. Bagama’t hindi pare-pareho ang pagkilala nila kay Dr. Jose Rizal, pinakaugat naman ng kanilang samahan ang Ignacio Coronado.
“‘Yun ang aming Diyos Ama na sinasabi nga ng aming mga ninuno na si Dr. Jose Rizal ‘pag araw ay matanda, 'pag gabi ay bata,’” sabi ni Chuachieng.
“Kasi sinasabi nilang kulto ‘yun. ‘Yun talaga ang kultura ng aming mga ninuno. Kami ay kultura ng Pilipinong Pilipino,” dagdag ni Chuachieng.
Ipinaliwanag din nila nagpuprusisyon sila sa gabi bilang bahagi ng kanilang panata.
“Nag-uumpisa ‘yan ng alas-12 ng gabi. Kailangan talaga kung sa dilim, mas maganda ‘yung matahimik ang palibot,” sabi ni Chuachieng.
Samantala, ipinakita ni Doroy ang kanilang permit mula sa munisipiyo ng kanilang pagprusisyon ng siyam na araw.
Nilinaw din ni Doroy na hindi sila ang kumakatok sa mga bahay.
“Hindi po kami kulto. Nirerespeto po namin ‘yung ibang religion at sana po respetuhin din sana nila ‘yung religion po namin,” dagdag ni Doroy.
Ang pulisya, nagsagawa ng imbestigasyon at natukoy nila kung sino ang kumakatok sa mga bahay kahit dis-oras ng gabi.
Batay sa nakuha nilang CCTV video, isang lalaki na may problema sa pag-iisip ang kumakatok sa mga bahay para manghingi ng pagkain.
Kaya pakiusap ng pulisya, itigil ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon. Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Intgrated News