May mga katangian pa umanong taglay ang "Supremo" ng Katipunan na si Andres Bonifacio na hindi pa alam ng maraming Pilipino.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," ilang Pinoy ang tinanong tungkol sa pagkakakilala nila sa bayaning si Andres, ang mukha ng rebolusyon at ama ng Katipunan.
Pagdating sa hitsura at kasuotan, ang unang naiisip ng mga Pinoy tungkol kay Andres ay may bolo na laging nakasukbit sa kaniyang baywang, simpleng kasuotan na kamiseta at may pulang bandana.
Pero ayon sa history professor na si Miguel Jimenez, maraming tala sa kasaysayan na nagpapakita na hindi ganito kung manamit at pumorma si Andres.
Madalas, naka-coat umano o pormal ang kasuotan ni Andres. At sa halip na bolo, rebolber o maiksing baril ang paboritong armas ng Supremo.
"For instance sa Tejeros nang nagkainitan na, ang nakalagay sa kasaysayan hindi naman nagkalabasan ng bolo pero nagkatutukan ng baril," paliwanag niya.
Gayunman, sinabi ni Jimenez na hindi naman maipagkakaila na gumamit din naman ng bolo si Andres.
Ngunit maliban sa pagiging katipunero, umaarte rin si Andres at naging parte ng teatro.
Katunayan, nakilala umano si Andres nang gampanan niya ang mythological character na si Bernardo Carpio, na pumigil sa banggaan ng dalawang malaking bato sa Montalban.
"Doon siya talaga nakilala sa papel na 'yon," sabi ni Jimenez.
Sa Maragondon, Cavite, matatagpuan ang isang bahay na ginawang museo. Dito mababasa ang talambuhay ni Andres at ang pagsisimula ng rebolusyon.
May light and sound display din na isinasadula ang naging paglilitis kay Andres at sa kapatid niyang si Procorpio kung saan hinatulan sila ng kamatayan. --FRJ, GMA Integrated News