Kung dati ay para maglibang lang ang dahilan sa pagpunta ni Grace Anne Miranda sa Marilaque highway sa Rizal sakay ng motorsiklo, ngayon, kasama na sa layunin ng kaniyang "rides" ang kumayod sa pamamagitan ng pagtitinda ng kakanin tulad ng kutsinta upang matustusan ang kaniyang pag-aaral.
Sa programang "Pera Paraan," sinabi ng 22-anyos na si Grace na hinahango niya ang kaniyang panindang kutsinta at iba pang kakainin na isinasakay niya sa kaniyang motorsiklo.
Dahil na rin sa kaniyang tinda, binansagan si Grace ng mga parokyano niyang riders at bakers sa Marilaque sa bahagi ng Rizal bilang si "Kutsinta Girl."
Kapag dumating na si Grace sa kaniyang puwesto o lugar kung saan siya magtitinda, madidinig ang markadong tunog na "potpot!," na madidinig din sa iba pang naglalako ng mga kakanin.
Napag-alaman na isa sa mga dahilan kaya kumakayod si Grace sa pagtitinda ng kakanin ay para matustusan ang ibang gastusin sa kaniyang pag-aaral.
Second year college student na si Grace sa kursong BS Hospitality Management. May problema sa paningin ang kaniyang ama kaya nais din niya itong matulungan.
Bukod sa kaniyang pag-aaral, tinutulungan din ni Grace ang iba niyang kapatid sa ina. Panganay si Grace sa siyam na magkakapatid pero hindi niya kasama ang mga ito dahil nagkaroon ng ibang pamilya ang kaniyang ina.
Pero kahit hindi niya kasama ang ibang kapatid, nais ni Grace na mapanatili ang ugnayan niya sa mga ito.
Naranasan na rin kasi ni Grace na mawalan ng isang kapatid na malapit sa kaniya nang pumanaw ito dahil sa karamdaman.
At bilang panganay, nais ni Grace na maging inspirasyon sa kaniyang mga kapatid na magpursige sa pag-aaral at pagsikap sa buhay.
Dahil masarap ang kaniyang kutsinta na P20 ang tatlong piraso, pagkaraan lang ng limang oras, naubos na ang 400 piraso ng tinda niyang kutsinta, at kumita siya ng P1,790.00.
Upang matulungan si Grace sa kaniyang pagtitinda, nagkaloob sa kaniya ng kaunting puhunan at ilang gamit ang programa.
May regalo rin sa kaniya ang dating mobile coffee shop na nagkaroon na ngayon ng puwesto na Kape Sina Una. Panoorin ang buong kuwento ni Kutsinta Girl sa video na ito ng Pera Paraan.--FRJ, GMA Integrated News