Nauuso ngayon ang laruang lato-lato na may dalawang matigas na maliit na bola na nasa makabilang dulo ng tali at kailangang paulit-ulit na pag-untugin para makalikha ng ingay. Pero ang naturang laruan, ligtas nga bang laruin ng mga bata?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang ilang kabataan sa isang barangay sa Caloocan na bihasa at nawiwili na sa paglalaro ng lato-lato.
Katunayan, isinabak pa sa paligsahan ang tatlo na sa kanila dahil nagagawa nilang pag-untugin nang walang tigil ang dalawang matigas na bilog nang higit sa kalahating oras.
Ang mga ina ng mga bata, masaya at proud sa kanilang mga anak dahil sa ipinakikitang husay sa paglalaro ng lato-lato.
Ayon kay Dr. Gerald Belandres, General Medicine, may maganda rin namang naidudulot ang lato-lato na puwedeng maging paraan ng ehersisyo. Bukod pa sa nakatutulong din ito sa koordinasyon ng mga mata at isip.
Sinabi naman Dra. Camille Garcia, psychologist, na nagdudulot din ng positive emotions o kasiyahan ang paglalaro ng lato-lato. Gayunman, dapat daw itong bigyan ng limitasyon.
Ngunit tila hindi para sa lahat ang lato-lato.
Ang anim na taong gulang na si Sam na niregaluhan ng kaniyang ina ng lato-lato, nagkaroon ng mga pasa sa braso dahil sa tama ng matigas na bilog kapag sumablay ang pag-uuntugan nito.
Sinabi ni Dr. Belandres na sadyang makapagdudulot ng pasa ang matigas na bola kapag tumama sa balat, at posible ring magdulot ng slight fracture lalo na sa mga bata.
Ang ina ni Sam, nagpasyang huwag nang ipagamit sa anak ang laruan at napagtanto niya na hindi dapat makisabay sa paggamit ng laruan dahil uso lang.
Ang safety officer na si Doc Jerry Carual, itinuturing high risk na laruan ang lato-lato. Kaya dapat daw na subaybayan ng mga nakatatanda ang mga bata kapag nilalaro ito.
Payo niya, kung nagsisimula pa lang sa paglalaro ng lato-lato, makabubuting protektahan ang braso, gaya ng paglalagay ng tela upang hindi masyadong masaktan kapag tumama ang matigas na bola.
"Kahit sinong tatamaan niyan ay masasaktan at magkakaroon ng damage sa katawan," paalala niya. --FRJ, GMA Integrated News