Sadyang gumagaan ang mabigat na pasanin sa buhay kapag may tumulong. Gaya ng nangyari sa isang 68-anyos na lolo na nagpapasan ng ibinibenta niyang upuang gawa sa kawayan na 30 kilo ang bigat sa Davao del Norte.
Kuwento ni lolo Mateo Embalsado, mula sa Kapalong, Davao del Norte, natutunan niya ang paggawa ng upuan mula sa kaniyang ama.
Binibinili niya ang kawayan sa kaniyang kapitbahay, at saka niya ito bubuuin at lalagyan ng disenyo hanggang sa maging upuan.
Para maibenta, papasanin niya ito at ilalako sa daan sa halagang P1,500. Pero madalas, umaabot daw ng 10 oras na pasan niya ang upuan kapag hindi naibenta.
Sa ganitong klase ng hanapbuhay nairaos ni Lolo Mateo ang kaniyang pamilya, kabilang ang 11 niyang mga anak. Noong 2016, pumanaw dahil sa karamdaman ang kaniyang kabiyak.
Ayon sa anak ni Lolo Mateo, nais na sana nilang tumigil sa paglalako at pagpasan ng upuan ang kanilang ama dahil na rin sa edad nito.
Gayunman, ang ama raw nila ang tumatanggi. Aminado naman ang anak, na hindi rin nila kayang suportahan ang kanilang ama dahil mahirap din ang buhay nila.
Tingin din ni Lolo Mateo, baka lalo siyang manghina kung titigil siya sa paghahanap-buhay. Pero mas gagaang daw sana ang kaniyang trabaho kung may magagamit siyang tricycle para mailako ang kaniyang upuan.
Pero nanghihinayang naman siya sa ibabayad niya sa pag-arkila sa tricycle na mababawas pa sa kaniyang kita.
Hanggang sa isang araw, nadaanan ng vlogger na si "Ondoy" si Lolo Mateo na pasan ang upuan na ibinebenta.
Inakala raw ni Ondoy noong una na nabinili ni Lolo Mateo ang upuan. Pero nang malaman niya na itinitinda ni Lolo Mateo ang upuan, binili ito ng vlogger sa mas mataas pa na halaga.
Kaya ganoon na lang ang pasasalamat ni Lolo Mateo kay Ondoy. Pero hindi roon natigil ang biyayang hatid ni Ondoy. Nang i-upload niya ang video ni Lolo Mateo, may iba pang nagpahatid ng tulong.
At ang isa sa mga tulong na ito, nagpaiyak nang labis kay Lolo Mateo. Alamin kung ano ito sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." Panoorin ang nakaaantig na tagpo. --FRJ, GMA Integrated News