Mismong si Daxen, inakalang hindi na magtatagal ang kaniyang buhay noon bunga ng matinding mga sugat sa kaniyang balat, na mula mukha hanggang paa. Pero sa tulong ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" at mga taong nagmalasakit sa kaniya, ngayon, hindi na siya halos makilala dahil sa pagbuti ng kaniyang kalusugan.
Ang kuwento ng nangyari kay Daxen na mula sa Antique, ang nagbigay sa "KMJS" ng Gold World Medal mula sa prestihiyosong New York Festivals TV & Film Awards kamakailan.
Si Daxen, anak ng isang inang OFW sa Singapore, nakararanas noon ng matinding problema sa balat na dahilan ng pagkakaroon niya ng mga sugat na mula sa ulo hanggang sa paa. Dahil sa kaniyang kalagayan, halos hindi na siya nakakaalis ng higaan.
Nang masuri siya ng mga duktor, natuklasan na mayroon siyang Toxic Epidermal Necrolysis, na reaksyon ng katawan sa uri ng gamot.
Nagtatrabaho noon ang ina ni Daxen sa Singapore na si Daylyn bilang kasambahay, para matustusan ang gamutan ng kaniyang anak. Pero dahil na rin sa kalagayan ng anak, nagpasya siyang umuwi upang maalagaan ito.
Hanggang sa unti-unti nang bumuti ang kalagayan ni Daxen. At kamakailan lang, nagtungo ang KMJS team sa pangunguna ng host nito na si Jessica Soho, para samahan si Daxen sa kaniyang follow-up checkup.
"Mabuti na po," Daxen nang kumustahin ni Jessica. "Makakatulog na ako. Noon kasi po nung may sakit ako, hindi na po ako makatulong sa lolo at lola ko. Noon kasi naawa din po ako sa kanila."
"Hindi sila makatulog kapag humihingi ako ng tubig," emosyonal niyang pagbabalik-alaala.
Ayon kay Daylyn, umaasa talaga siya na maisasalba ang buhay ng kaniyang anak nang ilabas sa KMJS ang kalagayan nito.
"Doon ko rin naisip, ang dami-dami palang taong handang tumulong sa'yo kahit hindi mo kakilala," pahayag niya.
"Sa mga nag-donate po, sobrang thank you. Ipinambayad sa hospital, ipinambili ng gamot niya at saka yung mga follow-up check-ups niya. Sobrang thank you po sa inyo! Ito na po si Daxen, binigyan ninyo ng pangalawang buhay," naiiyak niyang pahayag.
Ngayon na mabuti na ang kalagayan ni Daxen, muling makikipagsapalaran sa ibang bansa si Daylyn para magtrabaho sa Dubai.
Ayon kay Daylyn, maraming nakapanood ng kuwento ng kaniyang anak ang naka-relate sa kalagayan niya bilang isang OFW mom.
"Kasi nakaka-relate sila sa story ko na malayo sa anak," saad niya. "Sobra silang na-touch sa story namin ni Daxen."
Nagpasalamat din siya sa kaniyang mga kapitbahay at sa mga tumulong na masagip si Daxen.
Dahil na rin sa nangyari kay Daxen, bumuo ang kanilang bayan ng rescue volunteer group na tinawag na DAO Lifesaving Advocates.
"I started to conceptualize DLA sa time na ni-rescue namin si Daxen," sabi ni Charlie Tacda. "Naawa talaga ako sa bata. Kasi nakita ko kung gaano kahirap yung rescue rito sa amin. ‘Yung target namin ’yung mga upland barangays na mas mahirap abutin ng responder."
Sa ngayon, kailangan pa rin ni Daxen na ituloy ang pag-inom ng kaniyang maintenance medicines para sa kaniyang seizure at maglagay ng cream sa kaniyang mga sugat. Nakatakda na rin siyang bumalik sa pag-aaral.
Ayon sa kaniyang duktor na allergist at immunologist na si Dra. Cynthia Gallinero, kailangan ni Daxen na inumin ang kaniyang anti-seizure meds sa loob pa ng limang taon.
Maganda umano ang naging paggaling ni Daxen, sabi ng kaniyang medical team.
"He responded dramatically within five days," ani Gallinero. "'Yung hydration ng balat, making sure na hindi magkaroon ng secondary infection, that's what we did. We also applied a lot of compresses, normal saline solution para gumanda at gumaling yung balat, ma-absorb yung mga pinapahid naming mga topical medication."
Nagbigay umano sa kanila ng inspirasyon ang kaso ni Daxen.
"[Because] 'yung experience na nangyari sa kanya also reflects on our life, sa struggles namin bilang mga medical doctors," saad niya. "We know na difficult 'yung case niya. ‘Yung trust niya kay Lord saka 'yung confidence niya sa sarili niya, talagang overwhelming."
Muling nagpasalamat si Daylyn sa mga tumutulong sa kanila, at umaasa siyang magtutuloy-tuloy ang paggaling ng kaniyang anak ngayon magtatrabaho na muli siya sa ibang bansa.
"Pinagpe-pray ko lang po na tuloy-tuloy yung paggaling ni Dax. 'Yung hindi na sana babalik ‘yung sakit niya na habang wala ako," pahayag ng ginang.
"Para sa mga ina, habang kasama 'yung mga anak, alagaan tapos mamahalin kasi hindi mo alam mapapalayo ka sa kanila," dagdag niya. "Para sa mga OFW na tulad ko, magpapakatatag kasi ayun 'yung reyalidad na mapalayo ka sa mga anak mo, pagdating sa ibang bansa mag-aalaga ka ng ibang anak, sobrang hirap po."
Si Daxen, itinuturing na isang milagro at ibinigay sa kaniya na pangalawang buhay.
Para sa mga nais tumulong kay Daxen, maaaring magdeposito sa:
Bank of the Philippine Islands (BPI)
Account Name: Christopher Sacquior Eiman
Account Number: 2339128254
Gcash: 09080828275 - Daylyn Eiman
—FRJ, GMA Integrated News