Sa isang lumang kubo na gawa sa sawali ang dingding at pawid ang bubungan, nakatira ang isang ginang at lima niyang anak. Pero apat sa kaniyang mga anak, madalas daw na tinutukso dahil sa hitsura nila na mukha umanong daga.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na single mother na si Jesebel matapos na pumanaw ang pangalawa niyang asawa.
Mag-isa na ngayon niyang binubuhay sa paglalabada ang kaniyang mga anak.
Dahil sa kanilang kahirapan, umaasa siya na may makapagtatapos sa kaniyang mga anak upang makalaban ika nga ng parehas sa buhay.
Ngunit nagiging malaking pagsubok sa magkakapatid ang kanilang hitsura na nagiging tampulan din ng tukso sa paaralan.
Ang kanila kasing mga mata, bagsak at lubog; ang kanilang tenga, maliliit; ang porma ng kanilang pisngi, hindi maayos; nakaungos ang kanilang bibig; at hirap din silang magsalita.
Dahil sa panunukso, ang anak na babae ni Jesebel na 23-anyos na ngayon, tumigil sa pag-aaral noong bata pa lang. Ngayon, nararanasan din ng iba niyang kapatid ang naturang uri ng panunukso.
Masakit man sa loob ni Jesebel ang natatanggap na panunukso sa kaniyang mga anak, ipinapasa-Diyos na lang daw ang lahat kaysa magalit pa.
Pero bakit nga ba ganoon ang hitsura ng mga bata?
Paniwala ni Jesebel, namana ng apat sa lima niyang anak ang hitsura mula sa lahi ng kaniyang ama.
Si Sam Jay, na tanging iba o masasabing normal ang hitsura, hindi rin masaya na kinukutya ang kaniyang mga kapatid.
Upang malaman ang tunay na kondisyon ng magkakapatid, dinala sila ng "KMJS" team sa isang espesyalista at doon nalaman na mayroon silang kondisyon na tinatawag na Treacher Collins Syndrome.
Pero ano nga ba ang sanhi ng Treacher Collins Syndrome at may pag-asa pa kayang malunasan ang kalagayan ng mga magkakapatid?
Panoorin ang kanilang istorya, at ang pagbuhos ng tulong para sa pamilya para maipaayos ang kanilang bahay.--FRJ, GMA Integrated News