Nag-viral ang isang madre na Tiktokerist dahil sa kaniyang mga nakakaaliw na dance steps. Si Sister, ginagamit ang app para makahikayat ng mga kabataan sa kanilang bokasyon.

"Dahil sa sobrang hirap makakuha ng bokasyon, I need to enter into their world, especially the young people. So alam ko po na kadalasan ang mga kabataan ngayon ay sa Tiktok, so naisipan ko po na pasukin 'yung ganu'ng klaseng app para makahikayat ng mga kabataan na i-explore ang kanilang buhay sa loob ng convent," sabi ni "Sister Tiktoker" Marlyn Mambusao sa panayam ni Oscar Oida.

Kaya bukod sa pagsayaw nang nakaupo, halos lahat ng mga content ni Sister Marlyn sa Tiktok ay tungkol sa bokasyon.

Pag-amin ni Sister Marlyn, hindi talaga siya marunong sumayaw kaya madalas lang siyang nakaupo sa tuwing sumasayaw at nagpapa-cute.

"Marami po akong natatanggap na messages hindi lang po sa pagmamadre, kundi sa mga nag-a-ask ng advice spiritually. Doon ko napagtanto na talagang effective ang ginagawa ko dahil marami akong na-touch o na-inspire, especially sa mga kabataan," saad niya.

Sinabi rin ni Sister Marlyn bago niya gawin ang kaniyang plano na gumawa ng Tiktok account, nagpaalam muna siya sa kaniyang superior. Naging masaya naman daw ang ito sa naging resulta.

"Modern na po kasi talaga eh, kaya nahuhumaling ang atensyon ng mga kabataan sa technology kaysa pamumuhay ng madre o pari," ani Sister Marlyn.

Sabi pa niya, nabawasan ng mga taong pumapasok sa mga kongregasyon para magpari o madre noong magkapandemya.

Mailalarawan ni Sister Marlyn ang kaniyang sarili bilang masayahin at laging nakangiti.

"'Yung aura ko when I face people, parang kakilala ko na siya agad, 'yung pakiramdam ko na we are very close," aniya.

"If you love your vocation, if you love what you are doing, you will be happy. Kahit mahirap, 'yung routine kahit gaano siya ka-boring at saka kahirap 'yung mga ginagawa, gagawin mo lahat 'yun para kay Lord," payo ni Sister Marlyn tungkol sa bokasyon. --FRJ, GMA News