Sa likod ng pagiging viral, puno ng emosyon at kuwento ang prenup pictorial ng isang 22-anyos na babae, na nagsilbi na rin niyang maternity shoot matapos ang mapait na sinapit ng kaniyang nobyo. Ano nga ba ang dagok na dumating sa kanilang pag-iibigan?
"First impression ko po talaga is na-attract po talaga ako kasi guwapo siya. Katagalan, nalaman ko 'yung ugali niya na malambing, caring, may respeto," paglalarawan ng 22-anyos na si Claire Clarise Tripole sa programang "Brigada" tungkol sa mapapangasawa sana niyang si Kenneth.
Nagsimula sa pustahan ang love story nina Claire at Kenneth, nang maghamunan ang mga kaibigan ni Claire na maghanap sila ng guwapo sa Facebook at sabay-sabay silang magkokomento. Ililibre sa recess ang sinomang tugunan ng lalaki.
Pero hindi ipinaalam ni Claire sa mga kaibigan na nagkomento siya sa larawan ni Kenneth, at nag-private message naman sa kaniya si Kenneth.
Nagtuloy-tuloy ang kanilang pag-uusap hanggang sa kalaunan, naging magkasintahan na sila. Inalala ni Claire ang isang pagkakataon na siya ang nag-"over the bakod" sa bahay ni Kenneth dahil pinagbabawalan pa si Kenneth na magsama ng babae sa kanilang tahanan.
Naging pagsubok ang kanilang long distance relationship dahil sa siyudad nag-aaral si Kenneth habang sa probinsiya ng Davao si Claire.
Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang anak na si Amara. Matapos nito, nagtrabaho si Kenneth bilang isang seaman ng ilang buwan, hanggang sa nag-asikaso siya ng pampasaherong van ng kanilang pamilya.
Nauwi sa "I do's" ang relasyon nina Claire at Kenneth, at pinlano nilang magpakasal sa Agosto 25, 2021, na siya ring kaarawan ni Kenneth para isang handaan na lang.
Pero sa hindi inaasahan ang mapait na pangyayari. Pumanaw si Kenneth nitong Abril dahil sa severe dengue. Bukod dito, ang araw na pinuntahan ni Claire si Kenneth sa ospital ang araw na nalaman nilang buntis si Claire sa ikalawa nilang anak.
"Sabi ko sa kaniya, 'Pagaling ka na, bilisan mo kasi magkaka-baby na tayo. Hindi pa nga tayo kinakasal, bibigay ka na,' sinabi ko. Tumawa siya noong time na 'yun, sabi niya 'Don't worry kasi bukas magiging okay na ako,'" paglalahad ni Claire.
"Wala po akong emosyon na nakikita sa mukha niya, puro pain po 'yung nakikita ko," dagdag ni Claire.
Nangulila rin si Amara sa kaniyang ama.
"Hinahanap niya na po talaga sa akin, madalas na po siyang nagtatanong 'Where is daddy? Where is my family?'" ayon kay Claire na sinasabi raw sa kaniya ng kaniyang anak. "Ikaw mismo sa sarili mo hindi mo alam kung paano ie-explain sa bata. Sinasabi ko talaga sa kaniya is 'Daddy nasa heaven, kasama si Papa Jesus.'"
"Emotionally hindi ko alam kung stable na ba kasi may days na napi-feel ko talaga 'yung sobrang pain. May days na gusto ko na pong mag-rest muna kasi parang nararamdaman ko talaga na alone na po talaga ako," lahad ni Claire sa isang psychiatrist.
Wala man si Kenneth sa kaniyang piling, itinuloy pa rin ni Claire ang kanilang prenup shoot, na naging solo maternity shoot na.
"While on going 'yung photoshoot namin, lalo sa church na part, doon po talaga ako nag-breakdown. Naisip ko na 'yung nag-aantay na lang sa akin is picture, hindi na po siya. Doon po talaga ako nasaktan," sabi ni Claire.
"Napakasakit ng part na ito, kasi wala nang maghihintay sa'yo sa harap ng altar" dagdag ni Claire.
"Sana masaya siya kung nasaan siya ngayon. Hindi ka mawawala sa puso ko," mensahe ni Claire kay Kenneth. "Sila po talaga 'yung way of strength ko sa panahon ngayon. Sila ang dahilan kung bakit nagsusumikap ako sa buhay. Kahit mahirap is kinakaya ko talaga para ma-provide lahat ng pangangailangan ng anak ko."
--FRJ, GMA News