Isang app o application na tulad sa ibang social media ang nakatatawag ngayon ng pansin sa mga netizen dahil puwede raw na ipambili ng mga gamit at ipambayad sa kinain sa restaurant ang naiipong "likes" sa kanilang posts.
Hindi tulad sa ibang social media na walang "halaga" ang bawat "likes" sa post, sa app na Lyka, ang matatanggap na bawat "like" sa mga follower ay katumbas ng isang "gem" na ang halaga ay P1.
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing maaaring ipambili ang naipong "gems" ng mga produkto, pagkain, at iba pang serbisyo sa mga partner na establisyimento ng Lyka.
Ang isang Lyka users, nakabili na raw ng mga mamahalin o branded na mga gamit dahil sa dami ng naipong "gems."
Gayunman, diskumpiyado ang ilang user nang mapansin nilang ginagamit ng Lyka ang camera indicator ng kanilang phone.
Bukod dito, nalaman din nilang ginagamit ng app ang kanilang personal data para sa ibang user, partner, o service provider.
Sa obserbasyon ni Victor Lorenzo, Chief ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division, may naka-link na accredited financial institutions, malalaking bangko, at credit card companies sa gems ng Lyka.
Sa kabila nito, tiniyak ng isang opisyal ng Lyka na ligtas ang privacy ng mga user ng kanilang app.
"The thing is, we hired talented team of developers all around the world to ensure that our client's security, safety and data is always well-taken care of," paniniguro ni Sophia Nguyen, President of Global Corporate Dev't ng Lyka.
Panoorin ang buong detalye ng istorya sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News