Sa laki at bigat ng bakal na bumagsak sa ginagawang Skyway Extension project sa Muntinlupa, maituturing himala na nakaligtas ang dalawang lalaki, kabilang ang isang driver na nasa loob ng kaniyang napitpit na taxi. Gayunman, isang biktima ang nasawi.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ng mga nakaligtas na sina Edwin Sagun, isang rider at Rogelio Cueno, taxi driver, ang kanilang naging karanasan.
Si Sagun, hindi na matandaan kung paano niya nagawang makatalon mula sa kaniyang motorsiklo nang bumagsak ang girder matapos masagi ng crane. Habang si Cueno, mistulang naligo ng bubog sa loob ng kaniyang taxi nang nabagsakan ng dambuhalang bakal.
Katunayan, madidinig sa nag-viral na video ang boses ng isang lalaki na naniniwalang hindi mabubuhay ang taong nasa loob ng taxi dahil sa matinding pinsala na inabot nito.
Pero nakaligtas man, may hiling sila sa kompanyang namamahala sa konstruksiyon ng proyekto dahil apektado ang kanilang kabuhayan.
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang paglalahad nina Sagun at Cueno sa nangyaring insidente, at ang saloobin ng maybahay ng nag-iisang biktima na nasawi sa nangyaring trahediya. Panoorin.
--FRJ, GMA News