Ngayong panahon ng tag-ulan, nauuso na naman ang pagkakaroon ng ubo at sipon. Paano nga ba malalaman kung ito ay pangkaraniwang ubo't sipon lang at walang komplikasyon na dulot ng COVID-19?
Sa GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Dr. Eric Tayag, director ng Knowledge Management and Information Technology Service ng Department of Health, na maaaring mapagkamalan bilang COVID-19 ang ibang sakit dulot ng iba pang respiratory viruses tulad ng influenza dahil pare-pareho lang sintomas at paraan kung paano nahahawa ang tao.
Bagama't mahirap na matukoy ang karaniwang ubo't sipon, mayroon umanong ilang palatandaan sa kaso ng COVID-19 dahil may ilang pasyente na kung minsan [hindi lahat] ay nawawalan ng pang-amoy at panlasa.
"Mahirap talaga. Ang tanging paraan lang para malaman kung 'yan ay COVID-19 ay magpa-test tayo," sabi ni Tayag.
Kung ito naman ay normal lang na ubo at sipon, ipinayo ni Tayag na kumain ng masustansiyang mga pagkain tulad ng sariwang prutas at gulay para mapalakas ang immune system.
Kabilang sa mga pagkain na ito ay kiwi, papaya, spinach, brocolli, bawang, luya at turmeric, at iba pa.
Bukod sa pag-ehersisyo at huwag magpuyat, ipinayo ni Tayag na magpaaraw pa rin kahit pinapayuhan ang lahat na manatili na lang muna sa bahay.
Alamin iba pang tips ni Tayag sa video na ito.--FRJ, GMA News