Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging mabuting Samaritano sa ating kapwa (Luke 10:25-37).
Ang pag-ibig sa ating kapwa ay hindi naghihintay ng kapalit. Mas masarap ang magbigay nang maluwag sa ating dibdib. Dahil kung anoman ang ating ginawa para sa ating kapwa, ito ay ibabalik sa atin ng Diyos, na siksik, liglig at umaapaw.
Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Lk. 10:25-37) tungkol sa parabula ng mabuting Samaritano.
Lumapit kay Jesus ang isang tagapagturo ng batas at nagtanong kung ano ang mga dapat gawin upang magtamo nang buhay na walang hanggan.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo- batay sa naging paliwanag ni Jesus sa lalaki- na para makamtan ang buhay na walang hangganan, ay kailangan nating mahalin ang ating Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas at buong pag-iisip.
Subalit ang pagmamahal sa Diyos ay walang halaga kung hindi natin kayang mahalin ang ating kapwa. Dahil anoman ang ating gagawin sa ating kapwa, mabuti man o masama ay para na rin nating ginawa sa Diyos.
Sapagkat mababasa din natin sa Mateo 25:31-45 tungkol sa "Paghuhukom," na nasusulat ang mga katagang: "Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang tinulungan ninyo."
Kaya hindi maaaring paghiwalayin ang pagmamahal sa Panginoon at ang pagmamahal sa ating kapwa.
Ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay walang saysay. Katulad ng katawang walang espirito, ito ay sala ring saysay.
Itinuturo ng kuwento na kahit pa ipangalandakan natin sa buong daigdig na tayo ay banal, relihiyoso at nagmamahal sa Diyos, kung bulag at bingi naman tayo sa pangangailangan ng ating mga kababayan at kapwa, walang sayasay ang sinasabi nating pananampalataya. Ito ay isang ampaw na pananalig.
Gaya ng ipinakita sa kuwento na isang pari ang napadaan sa isang taong binugbog ng magnanakaw, na sa halip na tulungan niya ay tiningnan lamang niya ito. Naging manhid ang isang pari pa man din sa pangangailangan ng kaniyang kapwa.
Gayundin ang ginawa ng isang Levite na sa halip na saklolohan ang kaawa-awang tao ay lumihis pa siya ng daan.
May ilan din sa atin ang gaya ng pari at Levitiko. Wala rin tayong pakiramdan at tila manhid sa mga taong nangangailangan ng ating tulong. Minsan binibigyang katuwiran pa natin pero sa maling paraan natin ginagamit ang kasabihang, "charity begins at home" at "help yourself first before helping others."
Ito ay para lamang makaiwas tayo na tumulong sa ating kapwa na halos nakadapa na, walang wala at sobrang naghihikahos. Dahil takot tayong mabawasan ang kung anoman ang mayroon tayo.
Ang iba, tutulong nga pero may kapalit o personal na motibo o interes. Hindi ganito ang isang mabuting Samaritano na nais ng Panginoon gaya ng nasasaad sa ating Ebanghelyo.
Sapagkat ang isang mabuting Samaritano ay hindi naghihintay ng anomang kapalit. Siya ay tutulong nang maluwag sa kaniyang puso. At ipinauubaya na lamang niya sa Panginoong Diyos kung siya man ay karapat-dapat na gantimpalaan.
Ngayong panahon ng pandemya, marami ang naging mabuting Samaritano na tumutulong sa mga taong nawalan ng trabaho, walang makain, at maging sa mga nagsasakripisyong frontliner. Ang mga kabutihang ito ay tiyak na nakita ng Panginoon.
PANALANGIN: Panginoon, gawin po Ninyo kaming kasangkapan upang makatulong sa aming kapwa na higit na nangangailangan. Anoman ang munti naming makakaya, pinansiyal man o lakas ng katawan at pag-iisip ay ihahandog po namin para sa mga mas mahina sa amin. Amen.
--FRJ, GMA News